Drug lord pinatay sa loob ng bilangguan

 

 

Ng: Tapat News Team (TMT)
 
HINDI ligtas sa kamatayan ang sinumang pinaniniwalaang drug lord sa kampanya kontra-droga ng administrasyong Duterte kahit nakakulong pa ang mga drug lord na ito.
 
Ito ang mensahe ng pamahalaan matapos mapatay ng mga awtoridad si Edgar Allan Alvarez sa loob ng Leyte Regional Penitentiary ngayong umaga ng Agosto 11.
 
Si Alvarez na kilala sa bansag na “Egay” ay sinasabing aktibo pa sa drug trafficking, ayon sa intelligence report ng Philippine National Police – Eastern Visayas Regional Office.
 
Mayroon pa nga raw koneksiyon ito kay Ronald “Kerwin” Espinosa, Jr., ang umano’y drug lord na hinahanting ng mga pulis.
 
Si Espinosa ay anak ni Mayor Ronald Espinosa, Sr. ng Leyte.
 
Ayon kay Chief Insp. Maria Bella Rentuaya, taga-pagsalita ng PNP Eastern Visayas Region, lumaban si Alvarez sa mga pulis habang nag-iinspeksiyon ang mga awtoridad.
  
Ani Rentuaya, ang unang ginawa ni Alvarez ay hinagisan nito ng granada ang mga pulis.
 
Hindi sumabog ang granada.
 
Pagkatapos, biglang namaril si Alvarez sa mga awtoridad gamit ang kanyang kalibre 45, patuloy ni Rentuaya.
 
Kaya, naobligang barilin na rin si Alvarez na siya nitong ikinamatay sa loob ng kulungan, patuloy ng taga-pagsalita ng pulisya sa rehiyon.
 
Pagkatapos ang insidente, nakuhaan pa ng mga awtoridad ang namatay na uman’y drug lord ng kalibre 38, maraming marijuana, at shabu, bukod sa kalibre 45.
 
Hindi naipaliwanag ni Rentuaya kung bakit hinanap pa si Alvarez sa loob ng bilangguan kung saan nagbigay ng opinyon sa media na maliwanag ang mensahe ng administrasyong Duterte na kahit naghihimas ka na ng rehas sa bilangguan ay posibleng iligpit ka kung manlaban ka sa mga awtoridad.

 

You May Also Like