Donaire, iba pang atleta pararangalan sa PSA Awards

donairePararangalan sa Sabado, Marso 16, ang mga atletang nagbigay kinang sa Philippine sports sa nakalipas na taon sa itinakdang PSA-Milo Annual Awards Night sa Manila Hotel ballroom..

Tampok sa mga bibigyan ng pinakamataas na parangal ng Philippine Sportswriters Association ay sina super-bantamweight boxing champion Nonito Donaire,  Big League Softball World Series winner Team Manila, AIBA World Women’s Boxing Championship gold medal winner Josie Gabuco at reigning five-time UAAP men’s basketball title holder Ateneo Blue Eagles na pawang napili bilang mga co-Athletes of the Years para sa 2012.

Ito ang ikatlong pagkakataon para kay Donaire na mahirang bilang Athlete of the Year ng PSA mula 1981. Nakahanay na niya ang iba pang mga three-time awardees na sina Lydia De Vega, Bong Coo, Paeng Nepomuceno, Luisito Espinosa, Efren `Bata’ Reyes at Manny Pacquiao.

Pinarangalan din si Donaire bilang 2012 Fighter of the Year ng Boxing Writers Association of America (BWAA) matapos ang isang nakabibilib na kampanya sa nakalipas na taon.

Apat na beses siyang lumaban sa title fight at apat na ulit din niyang pinatumba ang kanyang mga kalaban kabilang si Jorge Arce ng Mexico sa 122-pound division ng World Boxing Organization (WBO) nitong Disyembre.

Inumpisahan ni Donaire ang 2012 sa pag-angkin sa WBO super bantamweight crown laban kay Wilfred Vazquez Jr. ng Puerto Rico noong Pebrero 4. Sinundan niya ito ng unanimous decision win  kontra Jeffrey Mathebula ng South Africa para makuha rin ni Donaire ang korona sa International Boxing Federation noong Hulyo 7.

Ang sumunod na biktima ni Donaire ay si Toshiaki Nishioka ng Japan na kanyang pinatulog sa 9th round noong Oktubre 13 at tinapos nga niya ang magandang taon sa pagkuha ng 3rd round knockout victory kay Arce nitong Disyembre.

Bibigyan din ng major award ng PSA ang iba pang world boxing champion na sina Brian Viloria, Johnriel Casimero, Donnie Nietes at Sonny Boy Jaro gayundin sina Baler Ravina at Mark Galedo ng cycling, Tony Lascuna at Dottie Ardina ng golf, back-to-back Milo Marathon queen Mary Grace Delos Santos, Mark Caguioa ng Barangay Ginebra at Bobby Ray Parks Jr. ng National University Bulldogs sa basketball, at ang star driver na si Vincent Floirendo.

Pararangalan naman bilang Executive of the Year si commissioner Chito Salud ng Philippine Basketball Association.

You May Also Like