DoLE pay rules para sa Holy Week, nilabas na

NAGLABAS ng pay rules para sa mga manggagawa sa pribadong sektor para sa Mahal na Araw ang Department of Labor and Employment (DoLE).

Para sa March 28, Maundy Thursday, at March 29 o Good Friday, na pawang mga regular holidays, ang tamang pay rules ay ang mga sumusunod:

Sakaling ang empleyado ay hindi nagtrabaho, babayaran pa rin siya ng 100 percent ng kanyang suweldo para sa isang araw, gayundin ng kanyang Cost of Living Allowance (COLA); sakaling pumasok naman ang empleyado sa trabaho, babayaran siya ng 200 percent ng kanyang suweldo para sa isang araw para sa unang walong oras ng trabaho, gayundin ng kanyang COLA.

Kung ang empleyado naman ay nagtrabaho ng lagpas sa walong oras, babayaran siya ng karagdagang 30 percent ng kanyang hourly rate.

Kung ang empleyado ay nagtrabaho at nataon na ang mga araw na ito ay kanyang day-off o rest day, tatanggap siya ng karagdagang 30 percent ng kanyang daily rate at 200 percent ng kanyang arawang suweldo.

Kapag day-off naman ng empleyado at nagtrabaho siya ng overtime, tatanggap siya ng karagdagang 30 percent ng kanyang hourly rate para sa nasabing araw.

Para sa March 30, Black Saturday, na isang special non-working day, paiiralin ang mga sumusunod na pay rules: sakaling ang empleyado ay hindi nagtrabaho, ipapatupad ang “no work, no pay” principle.

Kapag nagtrabaho naman, tatanggap ang manggagawa ng dagdag na 30 percent ng kanyang daily rate para sa unang walong oras at kapag nag-overtime naman ay babayaran siya ng 30 percent ng kanyang hourly rate.

Sakaling nataon naman sa rest day at nagtrabaho pa rin, tatanggap ang empleyado ng dagdag na 50 percent ng kanyang daily rate para sa unang walong oras, at kapag nag-overtime naman ay babayaran ng dagdag na 30 percent ng kanyang hourly rate.

Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, kailangang sundin ng employers ang panuntunan para sa general occupational safety at health labor standards para sa mga manggagawa.

You May Also Like