Divorce Bill ng Gabriela, muling matatalo

 

 

 Ni: Mico Agustin
 
INAASAHANG mababasura uli ang mungkahing batas hinggil diborsyo ng Gabriela party-list sa Kamara del Representantes, sapagkat karamihan sa mga kongresista ay tutol dito.
 
Ito ang pahayag ni Buhay party-list Rep. Joselito “Lito” Atienza Jr. nang maghain ng Divorce Bill ang Gabriela sa Kamara kamakalawa.
 
Ang mungkahing Divorce Law ay limang ulit nang isinusumite  ng Gabriela sa Kamara, ngunit laging ibinabasura ng mga mambabatas.
 
Idiin ni Atienza na mahalagang buo ang pamilya na siyang ipinaglalaban ng Buhay party-list.
 
Ayon kina Gabriela Reps. Emmi de Jesus at Arlene Brosas, muli nilang ihinain sa Kamara ang House Bill No. 2380, sapagkat gusto nilang maamiyendahan ang ilang probisyon ng Family Code of the Philippines upang ligal na pahintulutan ng Pilipinas ang paghihiwalay ng mag-asawa na hindi na kayang maayos ang galit sa isa’t isa.
 
Sabi nila De Jesus at Brosas, karapatan ng mga babae na makalaya sa magulong relasyon sa kanilang mga asawa.
 
Ayon kay Atienza, mahihirapan uling pumasa ang nasabing mungkahing batas, sapagkat maraming kongresista na tahasang tumututol sa diborsyo.
 
Sa kasalukuyan, tanging sina Rep. Feliciano Belmonte Jr. ng Quezon City at Rep. Geraldine Roman ng Bataan ang sumusuporta sa Divorce Bill.
 
“Babantayan natin iyan, sapagkat ako’y kontra diyan, buhay partylist will definitely not support divorce law as this is contrary sa pinaglalaban namin, a stronger family unit,” ani Atienza.
 
Hindi makabubuti ang nasabing panukalang batas sa bansa, sapagkat nakasisira ito sa buhay ng bawat pamilya, lalo na sa mag-asawa, patuloy na diin ni Atienza.
 
“I’m sure marami ang hindi sang-ayon sa diborsyo. Kapag napag usapan na, diyan natin mahihimay at mailalabas lahat ng isyu why divorce will not be good for the Filipino family,” dagdag ng kongresista.
Batay sa huling sarbey ng Laylo Research, 67% ng mga Pilipino ay tutol sa diborsyo.

You May Also Like