DILG Sec. Sueno, nagpakawala ng sindikato upang kumita?

 

 

Ni: Joel O. Amongo
 
ISANG grupo na “Con-men” ang tawag ang gumagala ngayon sa iba’t ibang panig ng bansa upang mangikil sa mga gambling lord, suspendidong kongresista, suspendidong alkalde, at iba pang opisyal ng mga pamahalaang lokal.
 
Gamit daw ang pangalan ng kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na si Ismael “Mike” Sueno.
 
Ang idinidiin ng Con-men sa kanilang mga kinikikilan mulang P50,000 hanggang P1 milyon ay binasbasan umano ni Sueno ang kanilang raket.
 
Ngunit, sa isang press statement na inilabas ngayong Biyernes ng DILG ay mariing itinanggi ni Sueno na nagpakawala siya ng sindikatong Con-men, o kahit ano pang pangalan ng sindikato upang mangikil sa mga suspendidong opisyal ng mga pamahalaang lokal, at lalo na sa mga gambling lord.
Nanawagan si Sueno sa lahat ng mga opisyal sa lokal, aktibo man o suspendido, na mag-ingat sa Con-men.
 
Sinabi rin ni Sueno na hindi niya sisirain ang tiwalang ibinigay saa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
 
Wala ring balak si Sueno na wasakin ang kanyang pangalan at pagkatao sa pamamagitan ng pangingikil, o panghihingi ng pera.
 
“Mag-ingat po kayo sa mga impostor! Hindi ko po sisirain ang tiwala ni Pangulong Duterte at hindi ko dudungisan ang pangalan ko para mangikil, o para sa mga iligal na Gawain,” saad ni Sueno.
 
Si Sueno ay pinili ni Duterte na maging hepe ng DILG, sapagkat alam na alam ng Pangulo na malinis at maayos magtrabaho si Sueno.
 
Si Sueno ay walang rekord ng katiwalian at korapsiyon simula nang siya ay naging pulitiko.
   
Nabatid ni Sueno na isang kongresista ang nagsabi raw na binanggitan siya ng dalawang alkalde na pinuntahan at kinausap silang dalawa ng sindikatong Con-men na magbigay lamang sila ng tig-P50,000 sa grupo at tiyak na magkakaroon sila ng trak na pamatay-sunog.
 
Ang P50,000 ay down payment sa pagbili ng trak.
 
Ginagamit din daw ng Con-men pati ang kasiyahang isinasagawa ng DILG upang makahingi ng P100,000 hanggang P200,000 para sa trak na pamatay-sunog mula sa kanilang binibiktima.
 
Lumilitaw na may batayan ang isiniwalat ni Sueno dahil ultimong ang yunit ng Philippine National Police (PNP) sa Region-6 ay nakakuha ng impormasyon na ang Con-men ay nakapag-ikot at nakipag-usap na sa mga gambling lord sa nasabing rehiyon.
 
Sinabihan daw ng Con-men ang mga gambling lord na ang nasabing pangkat ang umanoy opisyal na inatasan at itinalaga ni Sueno na mangalaga at bantayan ang jueteng operations sa Region-6.
 
Ang sakop ng Region-6 ay Aklan, Capiz, Antique, Guimaras, Iloilo, at Negros Occidental.
 
Katunayan, nakakubra na ng P1 milyon at P300,000 ang Con-men, sa magkahiwalay na insidente, mula sa mga gambling lord.
 
Ani Sueno, “Nakalulungkot isipin na sa gitna ng magagandang pagbabago na ipinatutupad ng ating pamahalaan ngayon, may mga tao pa ring mapagpanggap at mapagsamantala na nais sirain ang ating mga sinisimulang reporma.”
Pinayuhan na lang ni Sueno ang mga opisyal sa lokal at maging ang publiko na agad makipagtulungan sa kanyang tanggapan mismo, sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaukulang impormasyon hinggil saa Con-men, o sinumang sindikato, upang masukol at makulong ang mga pinuno at kasapi ng sindikato.

You May Also Like