Desaparecidos

yenNabuhay muli ang kaso ni Jonas Burgos, dahil sa ina nitong patuloy na naghahanap ng katarungan. Kamakailan lamang nakumpleto na ng Court of Appeals ang imbestigasyon tungkol sa pagkawala ni Jonas at direkta nitong isiniwalat na may kinalaman ang Philippine Army.

Si Jonas ay matatandaan na biktima ng ‘desaparecidos’ o yung mga taong biktima ng biglaang pagkawala noon April 28, 2007 sa isang mall sa Quezon City.

Pero ang kwentong ito ay hindi tungkol kay Jonas; tungkol ito sa isang hindi malilimutang karanasan ko sa kanyang mga magulang.

Lingid sa kaalaman ng karamihan, ang ama ni Jonas na si Jose Burgos Jr. ay isang siyentista. Noong Hunyo 9, 2008 nabigyan ito ng ‘Posthumous Award’ dahil napabilang ito sa tinaguriang ‘50 Great Men and Women of Science’ dahil sa ambag nito sa rice research ng bansa bukod pa sa hindi matatawarang achievements nito sa iba’t ibang larangan.

Ang inyo pong lingkod nang mga panahon na iyon ay empleyado sa isang kagawaran ng gobyerno at may titulong Science Research Specialist I (SRS1). Isa po ako sa mga naatasan na mag-asikaso sa awarding ng 50 Great Men and Women of Science — editing, short biography, invitation, etc.

Nagkaroon kami ng problema dahil pinapatanggal raw diumano ng Presidente (ng mga panahon na iyon) ang pangalan ni Jose Burgos Jr sa listahan ng mga aawardan dahil ito ang kainitan ng kampanya tungkol sa ‘Free Jonas’ campaign ng iba’t ibang sektor. At wala rin magawa ang gabinete kundi ang sundin ang utos at iyon ang nakarating sa amin.

Nakita ko kung paano sinikil ang karapatan ng isang namayapa na tulad ni ka-Jose sa kabila ng hindi matatawarang ambag niya sa lipunang ito. Buti na lamang at hindi pumayag ang editor at mga kasamahan ko na tanggalin ang pangalan niya dahil hindi nga naman dapat pinepersonal, at sabi pa nga nila dati kung kinakailangan mag-welga gagawin namin (game naman ako).

Maraming behind the scene ang nangyari  nun pero sa madaling salita nabigay ang parangal na iyon sa isang karapat-dapat tulad ni ka-Jose…kung tama man ang aking pagkakatanda hindi dumalo ang dapat mag-aaward mula sa Palasyo?! Ang tumanggap ng posthumous award ay ang butihing ina at asawa na si Prof. Edita Burgos.

Ito ngayon ang hamon: paano ipapatupad ng gobyerno ang nilagdaang Desaparecidos law kung sila naman ang itinuturong number one violator?! (re4teraker@hotmail.com)

You May Also Like