Democratic Party, handang maninindigan laban sa RH law

OPISYAL na dumagdag sa humahabang listahan ng mga grupo at personalidad na kumukontra sa RH Law ang Democratic Party of the Philippines (DPP).

Sa isang linagdaang “Manifesto of Support for the Catholic Church Position vs. RH Law,” tinawag ng partidong “immoral” ang Republic Act No. 10354 o mas kilala bilang RH Law.

“Sa halip na gumastos ng bilyong piso para sa contraceptives, mas makikinabang ang maraming Pilipino kung ang perang nakalaan dito ay gagamitin para mabawasan ang kahirapan, magbigay ng mas maraming trabaho at libreng pabahay sa mga mahihirap,” dagdag ng statement.

Linagdaan ang naturang dokumento nina Baldomero Falcone, Christian Señeres at Greco Belgica, mga miyembro ng partido na pawang tumatakbo para sa pagkasenador.

Kasama sa mga plataporma ng DPP ang paggamit ng financial initiatives tulad ng pagbibigay puhunan sa mga pamilya at pagpapababa ng utang ng bansa.

Nauna nang nagpahayag ng mariing pagtutol sa RH Law ang iilang mga grupo tulad ng Ang Kapatiran party, Buhay party list at Ang Prolife party list.

Naisabatas ang RH Bill na kilala ngayon bilang RA 10354, noong Disyembre 21, 2012, matapos ang mainit na talakayan at botohan sa Kamara at Senado.

You May Also Like