‘Delengkwenteng’ Doktor, 7-Taon sa Kulungan Dahil Hindi Naghuhulog sa SSS

 

SSS: 'Tungkulin ng mga negosyante na ihulog sa Social Security System (SSS) ang kinakaltas nila sa kanilang mga empleyado kada buwan.'
SSS: ‘Tungkulin ng mga negosyante na ihulog sa Social Security System (SSS) ang kinakaltas nila sa kanilang mga empleyado kada buwan.’

Ni: Marites Toledo

 

MULA anim na taon hanggang pito makukulong ang isang doktor sa pagpapaganda ng pangangatawan dahil sa hindi nito pagbabayad ng halos P2 Milyon sa Social Security System (SSS).

Ayon sa Quezon City Regional Trial Court ng Quezon City, napatunayang nagkasala si

Dr. Joel C. Mendez, may-ari ng Weigh Less Center sa Farmer’s Plaza sa Cubao, dahil sa paglabag nito sa Republic Act No. 8282, o Social Security Act of 1997.

Bukod sa pagkakakulong, inutusan din si Mendez ng korte na magbayad ng P1,865,657.50—katumbas ito sa hindi nabayarang kontribusyon mula Oktubre 2011 hanggang Enero 2013 sa kanyang mga empleyado, kasama dito ang tatlong porsyentong interes mula Hulyo 2015 hanggang mabayaran ito ng buo. Magbabayad din siya ng multang nagkakahalaga ng P15,000, saad ng korte.

Pansamantalang makalalaya sana si Mendez dahil nagpiyansa ito ng P24,000, subalit hindi nagpakita si Mendez at ang kanyang abogado sa korte kahit binigyan sila ng abiso, kaya kinumpiska ng korte ang kanyang piyansa at naglabas ito ng warrant of arrest laban sa akusado.

Pinaghahanap na si Mendez ng mga alagad ng bataas upang iharap sa korte.

Ang krimeng nagawa ni Mendez ay napatunayang hindi niya inihuhulog sa SSS ang ibinabawas niya sa kanyang mga empleyado.

Batay sa rekord ng korte, nag-isyu ng billing statement ang SSS na tinanggap ni Genevieve C. Galicia, company manager, na nagsasaad ng kabuuang halaga ng pagkakautang ng kumpanya.

Sabi ni SSS Assistant Vice President ng Operations Legal Department Renato Jacinto S. Cuisia, minsang nagpunta si Rosa Rivera, may hawak ng accounting ng Weigh Less Center, sa SSS Cubao at nagtanong kung paano mababayaran ang kanilang pagkakautang sa SSS sa pamamagitan ng cash, o hulugan.

Ngunit kahit na binigyan sila ng sapat na panahon ay hindi pa din nila binayaran ang kanilang obligasyon sa SSS, banggit ni Cuisia.

“Binigyan namin si Mendez ng pagkakataon dahil nagpakita siya ng intensyon na ayusin ang kanyang obligasyon sa labas ng korte. Ang kaso, hindi niya ito nagawa sa panahong ibinigay sa kanya. Kaya kahit na gusto namin siyang tulungan, may pangunahing responsibilidad kami na siguruhing bayad ang kontribusyon ng mga empleyado para makinabang sila sa mga benepisyo ng SSS,” saad ni Cuisia.

“Mahigpit na pinapaalalahanan ang mga employer sa kanilang responsibilidad na ireport ang kanilang mga empleyado sa SSS at bayaran ng buo at sa tamang oras ang kanilang mga kontribusyon. Pinapayuhan din namin ang mga miyembro ng SSS na laging suriin ang kanilang rekord upang masigurong binabayaran ito ng kanilang amo,” paalala ni Cuisia.

Ang desisyon ng korte sa pagkakakulong ni Mendez ay pinal at ipapatupad na.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like