De Lima, Nag-Courtesy Call sa Lider ng INC

Ilang araw bago ang eleksyon, bumisita kahapon si Liberal Party senatorial bet at dating Department of Justice Secretary Leila de Lima kay Eduardo Manalo, executive minister ng Iglesia ni Cristo (INC), sa Central Temple nito sa Quezon City.

Ayon kay De Lima, bilang baguhan sa pulitika kailangan n’ya ng suporta ng INC, at ito ang dahilan ng kan’yang courtesy call kay Manalo. Gusto rin n’yang ipabatid sa lider ng simbahan na tumatakbo s’ya sa pagka-senador sa kampo ng Daang Matuwid.

Ayon kay De Lima, kinikilala n’ya ang kahalagahan ng malalaking organisasyon kagaya ng INC at naniniwalang malaki ang maitutulong ng grupo kung sakaling makuha n’ya ang basbas ng pamunuan nito.

Ang INC ay kilala sa block voting at nag-aanuns’yo rin sa mga kasapi kung sino ang papaborang kandidato. Ito ay ginagawa ng grupo para ipakita ang kanilang pagkakaisa alinsunod umano sa itinuturo ng Bibliya.

Si De Lima ay dating nakainitan ng pamunuan ng INC dahil sa pakikialam nito isyu na kinasasangkutan ni dating ministro Lowell Menorca matapos nitong ibulgar ang umano’y katiwalian sa loob ng Iglesia.

Ang away na ito ay humantong sa ilang araw na rally sa Edsa para igiit ng mga kasapi ng INC ang ‘Separation of Church and the State’.

Maliban kay De Lima nag-courtesy call din kay Manalo ang ibang kandidato gaya ni presidential bets Rodrigo Duterte at Miriam Santiago at vice presidential candidate Leni Robredo. (William Rodriguez)

 

You May Also Like