Datos ng DOH sa aborsyon, MANIPULADO?

 Tulad din ng pahayag kamakailan ng Department of Health tungkol sa lumalalang istatistika ng aborsyon sa bansa, ang RH Law ay batay din sa mapanlinlang na datos, ani Fr. Melvin Castro ng Episcopal Commission on Family and Life.
Tulad din ng pahayag kamakailan ng Department of Health tungkol sa lumalalang istatistika ng aborsyon sa bansa, ang RH Law ay batay din sa mapanlinlang na datos, ani Fr. Melvin Castro ng Episcopal Commission on Family and Life.

MANILA — Ibinunyag kamakailan ng kalihim ng Department of Health na si Enrique Ona ang lumalalang istatistika ng aborsyon sa bansa, isang rason, aniya upang agarang ideklarang constitutional ang Reproductive Health Law. Ngunit, lumalabas na mali ang paggamit ni Ona ng nasabing datos.

Ibinunyag ni Dr. Quirino Sugon Jr., isang propesor ng Physics sa Ateneo de Manila University, na mapanlinlang ang nasabing pagtaas diumano ng mga kaso ng aborsyon sa bansa dahil pinagsama ng DOH ang mga kaso ng induced at spontaneous na aborsyon o pagtanggal ng fetus sa sinapupunan ng babae.

Nakunan at nagpa-abort

Paliwanag ni Dr. Sugon na ang nakunan o nagkaroon ng (spontaneous) miscarriage ay hindi sinadya , samantalang ang (induced) aborsyon ay sinadya. Ang pagkakaiba, ani Dr. Sugon, ay nasa intensyon na siya namang hindi kinilala ng DOH.

Dagdag pa ni Dr. Sugon, “Tingnan natin ang 12 hanggang 15 porsyento ng mga buntis na nakunan. Ito ay hindi sinadya dahil ito ay spontaneous abortion ayon sa DOH, ngunit hindi naman nagpakita ng datos ang DOH sa bilang ng mga sinadyang nagpa-abort. Ibig sabihin nagpakita lang ng datos ang DOH sa mga nakunan pero wala sa mga nagpa-abort.”

Sa isang press briefing kamakailan, ipinahayag ni Ona na, noong 2012 at 2013, ang aborsyon ay nasa top 3 obstetrics-gynecology cases sa walong ospital na sinuri ng DOH.

Ayon naman kay Episcopal Commission on Family and Life (ECFL) executive secretary Fr. Melvin Castro, ang nasabing pagbubunyag ng DOH ay taliwas sa nauna nang mga pahayag nito tungkol sa aborsyon sa bansa.

Panawagang tuluyang ibasura ang RH

Ani Castro, “Sinabi nila, hindi tinatanggap ang mga buntis [na nagpa-abort] sa mga ospital. Pero ngayon na nagbigay sila ng datos na may halos kalaha-ting milyon na nagpapa-abort ang kanilang ginagamot kada taon…”
Katakataka din para kay Castro na iginigiit ng DOH na ang tanging solusyon sa paglobo ng bilang ng aborsyon sa bansa ay ang pagpapatupad ng RH Law.

Dagdag pa nito, “Ipinasa ang RH law ng walang basehan, maling akala, mapanlinlang na datos at maging panunuhol gamit ang Priority Development Assistance Fund o PDAF (Pork Barrel).”

Hinggil sa pagdedeklarang konstitusyonal ng Republic Act 10354 o kilala bilang Reproductive Health (RH) Law, muli nanamang nanawagan ang Simbahang Katolika sa pangugnguna ng ECFL na tuluyan nang ibasura ang naturang batas.

P13 bilyong pondo

Samantala, umapela si Bishop Jose Oliveros ng Malolos, Bulacan sa mga mananampalataya na isama sa padarasal at pag-aayuno ngayong Kuwaresma ang pinal na pagdeklara ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang RH Law.

Ani Bishop Oliveros, “Ang diwa ng mahal na araw ay ang pag-alala sa paghihirap at pagkamatay ni Hesus sa krus upang magkaroon ng buhay ang tao na taliwas sa layunin ng RH Law.”

Nito lamang Pebrero sa isang panayam, sinabi ni Dr. Ruben Siapno na maaari pa ring maipatupad ang RH Law kahit pa ideklarang labag sa Saligang Batas at tanging ang pondo lamang ang ipinagkaiba nito sa kasalukuyang mandato ng DOH sa pamimigay ng Family Planning services.

Sa RH Law, maglalaan ng pondo ang gobyerno upang pababain ang bilang ng populasyon ng bansa. Sa unang pagtitiya noong kainitan ng debate sa RH Bill sa Senado, sinabi ni senador Pia Cayetano na mangangailangan ng 13.7 bil-yong piso upang maipatupad ang RH Bill kasama dito ang pagbili ng pills at condoms.

Nitong Marso nakatakdang magdesisyon ang Kataas-taasang Hukuman hinggil sa kahihinatnan ng RH Law, ngunit iniatras sa darating na Abril. Sa huling pagtatala, pinagbotohan (8-7) ng Korte Suprema ang nasabing batas, pabor sa indefinite na pagpapalawig sa Status Quo Ante Order ng naturang batas.

(Mark Silva)

You May Also Like