Dating CJ Corona, pumanaw na sa edad na 68

Binawian ng buhay si dating Supreme Court chief justice Renato Corona kaninang madaling araw sa ospital sanhi ng malubhang karamdaman.

Ayon sa pahayag ng National Transformation Council (NTC), cardiac arrest ang dahilan ng pagkamatay ng dating hukom.

“It is with deep sorrow that the National Transformation Council announces the demise of Chief Justice Renato C. Corona,” pahayag ng NTC sa isang Facebook post. “At 1:48 am today, April 29, 2016, Chief Justice Corona succumbed to cardiac arrest. Please pray for the eternal repose of his soul as he joins his Creator.”

Naulila ni Corona ang kan’yang asawa na si Cristina Basa Rici at tatlo nilang mga anak.

Ipinag-utos naman ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang pagtataas ng bandila ng Pilipinas sa half-mast sa lahat ng opisina ng korte sa bansa bilang pagpugay sa dating hukom.

Si Corona ay ika-23 na punong-hukom ng Korte Suprema ng Pilipinas nang itinalaga ito noong Mayo 2010. Tinalaga s’yang associate justice ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2002.

S’ya rin ang kauna-unahang chief justice na napatalsik sa pamamagitan ng impeachment dahil sa umano’y betrayal of public trust at paglabag sa saligang batas nang hindi nito idineklara ang ilan sa kan’yang mga assets at ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities and Net worth.

Na-impeach s’ya sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino. (William Rodriguez)

 

You May Also Like