Dating alkalde kulong

 

 

 Ng: Tapat News Team (TMT)
 
MAKUKULONG ang dating alkalde sa Cagayan ng anim hanggang sampung taon dahil napatunayang nilabag niya ang batas laban sa katiwalian at korapsyon.
 
Ayon sa Sandiganbayan, tahasang nilabag ni Ignacio Taruc ang Seksiyon 3 (e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act matapos nitong iligal na hindi pinasahod ang limang kawani ng pamahalaang lokal ng Buguey noong 2007.
 
Si Taruc ay makukulong ng anim na taon, sa minimum, hanggang sampung taon, sa maksimum.
 
Ang minimum, o maksimum na haba ng pagkakabilanggo, ay nakabatay sa ipakikitang ugali ni Taruc habang nasa piitan.
 
Idiniin ng Sandiganbayan na nagpakita si Taruc ng kanyang “perverse motive or ill-will” laban sa limang kawani na kilalang mga binigyan ng trabaho sa pamahalaang lokal ng nakalaban ni Taruc sa halalan, sa pamamagitan ng pagtanggi ng dating alkalde na lumagda sa tseke ng mga kawani na naglalaman ng kanilang mga sahod.
Nagharap ng mga ebidensiya ang Office of the Ombudsman laban kay Taruc upang mabigyan ng katarungan ang krimeng nagawa sa limang kawani.
 
Idiniin din ng Sandiganbayan na habangbuhay nang bawal humawak ng anumang posisyon sa pamahalaan si Taruc.

You May Also Like