Dating Alkalde, 7 pa, Pasok sa Korapsyon

Pasok sa kasong korapsyon ang alkalde ng Libertad Misamis Oriental na si Alberto Acain at pitong iba pa matapos maputunayan ng Office of the Ombudsman na matibay ang ebidensya laban sa kanila.

Ayon sa Office of the Ombudsman, dalawang kaso ng korapsiyon ang isasampa kay Acain sa Sandiganbayan dahil sa paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Kasama sa kaso ang mga kasapi ng Bids and Awards Committee (BAC) na sina Lucia Almeñe, Oscar Benlot, Isidro Gervacio, Elizabeth Pagalan, at Sergio Jacalan, Jr.

Kabilang din sa nasabing kasong kriminal ang mga kinatawan ng Green International Enterprises (GIE) na sina Ricardo Mendoza, Jr. at Ma. Lourdes Mendoza.

Ang kaso ng walo, sa pangunguna ni Acain, ay may kinalaman sa pagbili ng mga abono ng pamahalaang lokal ng Libertad noong 2004 kung saan alkalde pa si Acain.

Ang kaso ng mga akusado ay may kinalaman sa resulta ng imbestigasyon ng Commission on Audit (COA) kung saan idiniing ang mga akusado, kabilang si Acain, ay nagsabwatan sa isa’t isa kaugnay sa dalawang beses na pagbili ng mga abono sa halagang P4.99 milyon nang walang isinagawang subasta (bidding).

Malinaw ang sinasabi ng batas na ang anumang proyekto ng anumang yunit ng pamahalaan ay kailangang dumaan sa subasta upang maiwasan ang pagpabor ng mga opisyal ng pamahalaan sa isang kompanya.

Kung mayroong subasta, maiiwasan ang korapsiyon, iyan ang punto ng batas.

Batay sa mga dokumentong nakuha ng Office of the Ombudsman, napatunayan na ang GIE ay nagsumite lamang ng “bid quotation” matapos mag-isyu ng “purchase request.”

Ang ganitong diskarte ay tahasang paglabag sa procurement rules, saad ng Office of the Ombudsman.

Idiniin ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na ang ginawa ng mga akusado ay “evidently issued to cover-up the pre-selection of GIE as supplier of the fertilizers.”

Ani Morales, ang pamahalaan ang kawawa nang bumili ng mga abono ang mga opisyal ng pamahalaan nang hindi idinaan sa subasta dahil walang naganap na “best product or service at the lowest price in the market.”

Idinagdag pa ni Morales na anumang maling hakbang na ginagawa ng sinumang opisyal ng pamahalaan ay may kaukulang parusa batay sa itinakda ng Section 3 (e) ng R.A. No. 3019.

Sa madaling salita, hindi makalulusot sa batas ang mga opisyal, kawani, at maging ang mga taong nagtatrabaho sa pribadong kumpanya kung sila ay nakagawa ng krimen katulad ng korapsiyon at katiwalian.  (Joel Operario)

You May Also Like