Dapat maging mapagbantay at kritikal sa administrasyong Duterte

POPULAR na Pangulo si Rodrigo Duterte ngayon, sapagkat ang paninindigan at adyenda sa Pilipinas ay magkaroon ng tunay at mapagpasyang pagbabago.
 
Ang pagbabagong ito ay matagal nang pinanabikan ng mga Pilipino na makamtan.
Matagal nang hinahangad ng mga Pilipino na magkaroon ng tunay na bagbabago sa iba’t ibang aspeto ng lipunang Pilipino.
 
Noong nakalipas na anim na taon, inakala ng nakakaraming Pilipino na si Benigno Simeon Cojuangco Aquino III na ang Pangulong maghahatid ng pagbabago sa Pilipinas mula sa sangkaterbang suliranin ng bansa na iniwan at itinambak ng administrasyong Arroyo sa loob ng siyam na taong panunukulan nito mula 2001 hanggang 2010.
 
Ngunit, malaki ang naging pagkakamali ng mga Pilipino na bumoto kay Aquino.
Pinalala lamang ni Aquino ang iniwan ni Arroyo.
 
Kung ipagmamalaki ni Aquino ang nagawa ng kanyang administrasyon laban sa katiwalian, korapsyon, at pandarambong ng mga opisyal ng pamahalaan ay tahasan siyang nagkakamali at nanloloko sa mamamayan, sapagkat wala siyang nagawa sa aspetong ito.
 
Sina Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, Bong Revilla, Janet Lim Napoles, at iba pa ay napakasuhan pa lamang niya.
 
Hindi pa sila nahahatulan ng Sandiganbayan, sapagkat ang kanilang mga kaso ay lilitisin pa lamang ng korte.
 
Iyong kaso naman ni Renato Corona ay simpleng pagpapatalsik lamang sa kanya mula sa pagiging punong mahistrado ng Korte Suprema, ngunit hindi pa siya napapatunayang “guilty” sa kasong isinampa ng pamahalaan laban sa kanya at sa kanyang pamilya.
 
Kaya, walang dapat ipagmalaki si Aquino dahil ang tunay na sitwasyon sa kasalukuyan ay marami siyang suliraning iniwan at itinambak.
 
Kaya, umaasa ang higit 100 milyong Pilipino na magkakaroon ng pagbabago ngayong si Duterte na ang Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
 
Ngunit, kahit umaaasa tayo ng Malaki ay dapat huwag kalimutan na maging kritikal at mapagbantay upang masubaybayan ng mga Pilipino ang Pangulo sa pagtupad sa kanyang mga ipinangako.
 
Kailangan palaging ipaalala sa kanya ang dapat niyang gawin upang makamit ang tunay na pagbabago.
 
At dapat huwag mangiming batikusin si Duterte kung sa paniwala ng mamamayan ay nagkamali at nagkukulang siya  bilang lider ng bansa.
 
Tutal, karapatan at tungkulin natin na batikusin ang Pangulo kung nagkakamali.

You May Also Like