Dapat Hindi ‘Duling’ ang Depinisyon ng mga Pilipino sa Salitang Bayani

 

KARAPATAN ng bawat Pilipino, o grupo ng mga Pilipino, na batikusin at husgahan si Ferdinand E. Marcos na hindi bayani.

Karapatan din nila na banatan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa paninindigan nitong ipahimlay na ang mga labi ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB), sapagkat idiniin niyang sinusunod lamang niya ang batas at ang desisyon ng Korte Suprema.

Ligal na kapangyarihan ng Korte Suprema na magpasya kung ano ang posisyon nito makaraang pag-aralan at timbangin ang iba’t ibang argumento at kontra argumento hinggil sa kawastuhan at kamalian sa paglilibing ng mga labi ni Marcos sa LNMB.

Ngunit, kung babatikusin, aakusahan, at paparatangang hindi bayani si Marcos, samakatuwid hindi siya nararapat at nababagay na ilibing sa LNMB, dapat lahat ng mga naging Pangulo ng Republika ng Pilipinas tulad nina Carlos P. Garcia, Diosdado Macapagal, at Elpidio Quirino na nakalibing sa LNMB ay dapat ding batikusin at akusahang hindi bayani.

Ito’y dahil napakalinaw ng mga desisyon at ginawa nila sa kani-kanilang termino na hindi bayaning maituturing kahit kailan sina Garcia, Macapagal, at Quirino tulad ni Marcos.

Hindi tama na akusahan si Marcos ng hindi bayani, samakatuwid hindi nararapat ihimlay ang kanyang mga labi sa LNMB, at sa kabilang banda ay walang sinasabi kahit isang salita laban kina Garcia, Macapagal, ay Quirino.

Hindi ipinagtatanggol ng Tapatnews.com si Marcos at ang kanyang pamilya, kundi hindi maganda na ‘duling’ ang depinisyon ng mga Pilipino sa salitang bayani.

Hindi maganda na dalawa ang pamantayan natin sa salita, o konsepto, ng salitang bayani.

Hindi tama na iba ang pamanatayan, o batayan, ng pagiging bayani kay Marcos at iba kay Garcia, iba kay Macapagal, at maging kay Quirino, gayong lahat sila ay naging Pangulo ng Pilipinas.

Ihalimbawa na lang natin si Quirino na inilibing ngayong 2016 lamang—na kaya inihimlay ang kanyang mga labi sa LNMB ay dahil signipikante raw ang naiambag ni Elipidio Quirino sa pagpapalaya ng Pilipinas mula sa pananakop ng Estados Unidos ng Amerika noong Hulyo 4,1946.

Sa paglilipat ng labi ni Quirino sa LNMB, dumalo sina Benigno Simeon Cojuangco Aquino III (Pangulo ng bansa nang ilibing si Quirino) at Fidel Valdez Ramos (Pangulo mula 1992 hanggang 1998).

Isang malaking kahungkagan ang desisyong ito, sapagkat si Quirino ay kasapakat ni Manuel A. Roxas sa pagpapagamit sa Estados Unidos, sa pamamagitan ni Heneral Douglas McArthur, sa ‘maayos’, ‘mapayapa,’ at ligal umanong pagsasaalin ng Pamahalaang Commonwealth sa ikatlong Republika ng Pilipinas (ang unang Republika ay si Emilio Aguinaldo anng Pangulo, samantalang ang ikalawa na ipinatayo ng imperyalistang Hapon ay si Jose P. Laurel).

Si Quirino ang nanalo sa eleksyong 1946 bilang ikatlo at huling Pangalang Pangulo ng Pamahalaang Commonwealth.

Pagdating ng Hulyo 4,1946, sina Quirino ang itinalagang Pangalawang Pangulo at Manuel Roxas ang iniluklok na Pangulo ng ikatlong Republika ng Estados Unidos.

Sina Roxas at Quirino ang ‘inatasan’ at ‘inobliga’ ng Amerika na tiyaking susunod ang Pilipinas sa Amerika sa lahat ng pagkakataon kahit mga pulitikong mga Pilipino na ang mga magiging pinuno ng bansa at punong ehekutibo ng pamahalaan.

Ngayon, paano naging bayani si Quirino?

Saang lupalop ng daigdig kinuha ang mga batayan upang ideklara siyang bayani at maging sina Carlos Garcia at Diosdado Macapagal?

Kanino bang kahulugan ng bayani ang pakikinggan at tutupdin nating mga Pilipino?

Iyong depinisyon ba ng Communist Party of the Philippines (CPP) at mga ligal nitong organisasyon?, o iyong pananaw ng mga Marcos, o iyong pagtingin ng mga istoryador, o iyong sa mga propesor ng kasaysayan, o iyong pananaw ng pinamalaking bilang ng mayoryang Pilipino?

Kailangan pirmes tayo.

Hindi wastong duling, o dalawa, ang pamanatayan natin sa salitang bayani, sapagkat tiyak na hindi tayo magkakaunawaan kahit kailan.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like