Dapat agresibo hindi atrasado

HINDI lamang shabu ang problema ng Pilipinas.
 
Marami. Kabilang diyan ang korapsiyon, kahirapan, kakapusan ng regular na trabaho, smuggling, human smuggling, at iba pa.
 
Ngunit, ang kitang-kita na agresibong nagtatrabaho lang ay ang Philippine National Police (PNP) laban sa iligal na droga.
 
Pero, ang iba ay atrasado, o mabagal.
 
Ang kasalukuyang administrasyon ay hindi lamang tahasang tumututol sa bawal na gamot.
 
Ayaw din nito ng katiwalian, lalo na korapsiyon sa pamahalaan.
 
Dapat kasi agresibo.
 
Iyan ang gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte.
 
Gusto niya, may resulta agad ang trabaho.
 
Sa gyera lang ba ‘yan laban sa bawal na gamot pwedeng maganap ang mabilis, o agresibong aksiyon?
 
Sa kampanya laban sa droga, natukoy agad ang mga pasok dito.
 
Tingnan n’yo, pagkaupo ni Director General Ronald “Bato” dela Rosa noong Hunyo 30 bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) ay kaagad siyang nagsagawa ng drug test.
 
Kaagad ding pinalitan ang higit 40 puwesto sa PNP ng mga bago.
 
Kaagad ding ipinatapon sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) ang 35 opisyal mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at Quezon City Police District (QCPD).
 
Nadagdagan pa ito at dalawa sa inilipat ng Mindanao ay “superintendent” ang ranggo.
 
Sa korapsiyon, ano na ang nangyari?
 
Mayroon na bang kongkretong resulta?
 
Ang Land Transportation Office (LTO), Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB), at Bureau of Customs (BOC) ay tatlo sa napaka-talamak ng korapsiyon sa mga organo ng pamahalaan na tinukoy ni Duterte.
 
Inilagay ni Duterte si Edgardo Galvante sa LTO, si Atty. Martin Delgra sa LTFRB, at Nicanor Faeldon.
 
Itinalaga sila ng Pangulo, sapagkat lubos siyang naniniwala na pupulbusin ng tatlo ang mga ahensiyang ipinagkatiwala sa kanila upang mawala ang korapsyon.
 
Totoong hindi kaagad mawawala ang korpsyon sa tatlo at iba pang ahensiya ng pamahalaan, ngunit ang masama ay kung hindi man walang ginagawang panimulang aksiyon, makupad kung sila ay kumikilos.
 
Sinibak si Galvante, ayon sa balita, at pinagrereport si Delgra sa Malakanyang.
 
Sa pagkakaalam ng Tapat News online at bi-monthly newspaper, tinumbok pa lamang ni Delgra ang prangkisa bilang pangunahing pinagkakakitaan ng mga opisyal at ilang kawani ng LTFRB.
 
Tapos, sinabi Delgra na plano niyang balasahin ang mga opisyal ng LTFRB mula sa iba’t ibang rehiyon.
 
Wala pa siyang  pinasisibak, o sinuspinde habang nagsasagawa ng imbestigasyon.
 
Si Galvante naman ay inaalam pa ang sitwasyon sa LTO at sa pagkakaalam ng Tapat News ay gagawin niya ito bsgo matapo ang 100 araw.
 
Noong bagong upo si Galvante sa LTO, nagkomento siya nang hindi naman talamak ang korapsiyon sa LTO, taliwas sa impormasyong nalalaman ni Duterte.
 
Taliwas na taliwas din ‘yan sa alam ng Tapat News dahil kumbinsido kaming gatasan ng mga opisyal at ilang kawani ang LTO.
 
Nabatid din namin na ang mga representante ng tatlong kumpanyang pangunahing gumagawa ng plaka ng mga sasakyan sa mga nakalipas na taon ay sikretong nakipag-usap kay Galvante.
 
Ang pinag-usap nila, ayon sa mapagkakatiwalaang source, ay tungkol sa plaka ng mga sasakyan at hindi tungkol sa insurance ng sasakyan.
 
Hindi lang kina Galvante at Delgra ‘mainit ang ulo’ ni Duterte, kundi maging sa higit 1,000 opisyal na pawang mga itinalaga ng dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III dahil sa katiwalian at korapsyon.
 
Magandang senyales ang desisyon ng Pangulo.
 
Sana, magtuluy-tuloy ito upang matanggal a ang mga magnanakaw at mandarambong sa gobyerno, kundi man tuluyang maubos ang mga kampon ni Satanas.

You May Also Like