Dalawang patunay sa ‘Catholic vote’

vol 1 no 9

May kasabihang ganito: “If you tell a lie big enough and keep repeating it, people will eventually come to believe it” na nagsasaad na anumang matinding kasinungalingan na ulit-ulitin ay paniniwalaan ng mga tao pagtagal. Ito ay diumano sinabi ni Joseph Goebbels, isang pulitikong Aleman at ekspertong propagandista noong panahon ng Nazis, sa loob ng higit sampung taon simula noong 1933. Ayon sa kasaysayan, nakumbinsi ang milyun-milyong Aleman tungkol sa diumano’y kawalan ng dignidad ng mga Hudyo at sa pangangailangang puksain ang mga ito sa mundo. Unti-unting naniwala din ang mga Aleman na ang kanilang lahi ang tanging mahusay, marangal at marunong sa lahat.

Alam na natin ang mga pangyayaring naganap bilang resulta ng ganitong pag-iisip at ng pagpapaniwala sa propagandang ipinalaganap sa lipunan ng panahong yaon.

Sa kabutihang-palad, humubog ng mas malalim na pag-aanalisa at pagpapahalaga ang tao sa mga ideya itong mga nakaraang dekada – natutunan din ang galing sa pagtatasa ng katotohanan at kamalian – kung kaya’t hindi na basta-basta naniniwala sa anumang nadidinig.

Subalit may mga panahong naniniwala agad ang mga tao, imbes na mangibabaw ang wastong pagsusuri. Ngayon ay tila isa sa mga panahong iyon, na kung saan ang “nagbabagang balita” o kaya ang pinakamalalakas na boses sa lipunan ang siyang pinakamadaling tanggapin at sang-ayunan na lamang. Kung minsan ay nakadaragdag ang matinding emosyon kung kaya’t nakalilimutang pag-aralan ang kabuuang isyu.

Nang matapos ang nakaraang halalan, sa mga unang araw ay naglabasan ang mga kuro-kuro hinggil sa diumanong kawalan ng “Catholic vote”. Matinding kabiguan ang naramdaman ng maraming aktibo sa social networking sites tulad ng Facebook at Twitter; puno rin ang media ng mga ulat at opinyong nagsasabi na gawa-gawa lamang ang tinatawag na “Catholic vote.” Ano ang basehan ng ganitong opinyon? Marahil ay ang malinaw na resultang hindi lahat ng 12 senador na iprinoklama ay kasapi sa “Team Buhay.” Marahil ay ang ‘di pagwagi ng kani-kaniyang kandidato sa Senado o sa Kamara de Representante.
Subalit dahil siguro sa kabiguang naramdaman ng marami at dahil na rin sa paglaganap ng ganitong sentimyento sa mga usap-usapan at sa media, tila hindi nabigyan-pansin ang ilang mahalagang bagay:

Una, hindi lumamang ang dami ng pro-RH na kandidatong nagwagi sa Senado.

Paano maituturing na “talo” ang mga nagtataguyod ng buhay samantalang pantay ang dami ng pro-RH at anti-RH sa mga nahalal na senador? Sa kabila ng pagkampanya ng pangulo ng Pilipinas para sa kanyang mga kapartido, at sa kabila ng pagbuhos, malamang, ng limpak-limpak na panggastos upang masiguro na pumasok sa Magic 12 ang buong Team Pnoy, patas pa rin ang kabuuan ng labanan: 6-6.

Pangalawa, mismong si Archbishop Emeritus Oscar V. Cruz ay nagbahagi ng obserbasyon kung bakit ‘di maituturing na natabunan ang boses ng Katoliko:

“I think one indication that [the Catholic vote] worked somehow is that the Buhay party list is leading the count,” sabi ng obispo ayon sa isang pahayagan dalawang araw matapos ang eleksyon.

Sa kasalukuyan, ang Buhay party list ay nangunguna pa rin sa higit na 1,200,000 boto.

Sa madaling salita, tila nakaliligtaan ng mga nagpapahalaga sa tinatawag na Catholic vote na ang pananalig sa Panginoon ay nagbunga. Ang pagpupunyagi, ang mga sakripisyo, at ang matibay na paniniwalang may Catholic vote – at ang pagbuo ng mga samahan hinggil dito sa loob ng napakaigsing panahon – limang buwan lamang – ay patunay na may pwersa ang mga botanteng Katolikong Pilipino. At sa mga nagdadalamhati pa rin dahil sa diumano’y “kawalan ng Catholic vote” — marami pang kailangang gawin, at ang paningin ng lahat ay marapat na nakatutok sa 2016 at sa mga susunod pang halalan. Subalit sa kasalukuyan, hayaang ang patas na resulta sa Senado, at ang pagiging numero uno ng isang party-list na nagtataguyod ng buhay, ang maging katibayan at paalaala na may ‘di maipagkakailang pwersa ang Catholic vote sa bayang Pilipino. At ito ay nakatakda pang lalong magtipon ng lakas.

You May Also Like