Dakpin ang ‘Korap’ na si Al Vitangcol!

 

Ni: Roy Bersales

 

IPINAAARESTO ng Sandiganbayan ang dating namamahala ng Metro Rail Transit (MRT) na si Al Vitangcol III dahil sa kasong korapsyon.

Ngunit, maaaring pansamantalang makalaya kaagad si Vitangcol kung magpipiyansa siya ng P60,000 sa korte.

Bukod sa kanya, pinadadakip din ng Sandiganbayan si Wilson de Vera na siyang “envoy” ni Vitangcol sa pangingikil ng $60 Milyon sa isang dayuhang kumpanya na katransaksyon ng MRT noong si Vitangcol ang general manager nito hinggil sa mga bagon ng MRT.

Maaari ring pansamantalang makalaya si De Vera kung makapagpipiyansa rin siya ng P60,000.

Ang kasong korapsyon nina Vitangcol at De Vera ay may kinalaman sa reklamong panggingikil ng $60 Milyon sa INIKON Group noong 2012.

Ayon sa rekord ng korte, ibinisto ni De Vera na sinabihan niya ang INIKON Group noong 2012 na titiyakin nilang ito ang magsusuplay ng mga bagon sa MRT kung magbibigay ang INIKON ng $60 Milyon kay Vitangcol.

Naganap ito nitong panahon ni Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III, opisyal ng Liberal Party (LP).

Ang MRT ay nasa ilalim ng kapangyarihan at hurisdiksyon ng Department of Transportation and Communication (DOTC) na pinamamahalaan noon ni Sec. Manuel Roxas II, opisyal din ng LP.

Pagkatapos ay napunta kay Sec. Emilio Joseph Abaya, opisyal din ng LP, nang italaga ni Aquino si Roxas bilang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon sa rekord ng korte, iginawad ng MRT ang kontrata sa pagmimintina ng mga bagon sa joint venture ng CommBuilders and Technology Philippines Corporation (CB&T) at PH Trams.

Si De Vera at asawa at kamag-anak ni Vitangcol na taga-Pangasinan ay parehong mga direktor ng PH Trams.

Makikita sa imbestigasyong isinagawa ng Office of the Ombudsman na nagsabwatan sina Vitanggol at De Vera.

Ngunit, inabsuwelto sina Roxas at Abaya.

Sabi ng Ombudsman, hindi na si Roxas ang hepe ng DOTC.

Sabi nito, kahit na si Abaya ang lumagda sa kontrata, hindi nangangahulugang may kinalaman siya sa korapsyong naganap dahil katatalaga pa lamang sa kanya sa DOTC.

Idiniin ng Sandiganbayan na maaaring makulong ng habambuhay sina Vitngcol at De Vera kung mapatutunayan ng Sandiganbayan na may krimeng ginawa ang dalawa na labag sa umiiral na batas hinggil sa katiwalian at korapsyon.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like