Cusi Masama at Nakakatakot Mag-isip—CPII

Sec. Alfonso Cusi
Sec. Alfonso Cusi

Ni: Roy Bersales

 

SAAN ba kumuha ng ideya si Energy Sec. Alfonso Cusi at gusto niyang buksan ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) upang pagkunan ng kuryete?

Sumulpot ang tanong na ito makaraang igiit kamakailan ni Cusi na mainam at mura ang kuryenteng manggagaling sa nukleyar.

“Masama” at “nakakatakot” mag-isip si Cusin, pagsasalarawan ng Center for Power Issues and Initiatives (CPII).

Idiniin ng CPII na ang tamang solusyon upang maresolbahan ang mataas na presyo ng kuryente at kakapusan ng enerhiya sa ilang bahagi ng bansa, partikular sa Mindanao, ay ang renewable energy (RE) at “hindi ang nukleyar.”

“Ang BNPP ay dapat nang ilibing ng malalim, kundi man tuluyan alisin sa sikolohiya ng mga Pilipino,” saad ng CPII.

Ang BNPP sa Bataan ay solusyon ng pumanaw na Pangulong Ferdinand Marcos sa malaking problema ng kuryente noong siya ang lider ng bansa.

Natapos ang BNPP, ngunit hindi ito nabuksan at nagamit kahit kailan.

Binatikos nang binatikos ng mga maka-kaliwa at progresibong organisasyon ang BNPP dahil hindi siguradong ligtas ang buhay at kalusugan ng mamamayan mula sa karga nitong nukleyar.

Isa pa, pinagdudahan ng mga maka-kaliwa at progresibong samahan ang presyo nito dahil sobrang taas.

Kumbinsido silang kumita ng malaki si Marcos sa naturang proyekto, ngunit hindi napatunayan ang umano’y katotohan ng nasabing paratang hanggang mapatalsik ang Pangulo mula sa estado poder noong 1986 at hanggang namatay ito noong 1989.

Iginiit ni Cusi sa konperensiyang inilunsad kamakalawa ng International Atomic Energy Agency (IAEA) at International Framework for Nuclear Energy Cooperation (Ifnec) hinggil sa posibleng pagkakaroon ng plantang nukleyar sa Asya-Pasipiko, sapagkat kuryenteng galing sa nukleyar ang siya pa ring pinakamura sa lahat.”

Ibinalandra pa niya ang paniniwala niyang hangad ng Pilipinas na makipagsabayan at gitgitan sa Asya-Pasipiko sa baba ng presyo ng kuryente kung nukleyar na ang pinagkukunan ng kuryente sa Pilipinas.

Ang Pilipinas sa kasalukuyan ang isa sa pinakamataas na presyo ng kuryente sa Asya.

Isa ito sa mga dahilan kung bakit madalas magdalawang-isip ang mga dayuhang negosyante na magtayo ng negosyo sa Pilipinas.

Para sa CPII, napakalaking panlilinlang ang binanggit ni Cusi, sapagkat ang “enerhiyang galing sa nukleyar ay hindi ligtas [ang mamamayan] at lalong hindi [ito] mura.”

Ayon sa CPII, ang mataas na gastos sa paggamit ng nukleyar ay hindi naman nakakabit sa loob nito, kundi sa itinatapon nitong dumi/kalat, final decommissioning, at ang epekto nito kapag sumabog ang nukleyar na siyang pinakamagastos sa lahat.

Sa pag-aaral na isinagawa ng CPII, sa pakikipagtulungan ng  Friedrich Ebert Stiftung (FES), kitang-kita kung paano nila pinamamahalaan ang isyu ng nukleyar gamit ang pondo ng pamahalaan.

Halimbawa, ang U.S. ay naniningil ng 10 sentimo/kWh (P4.45) mula sa mga gumagamit ng kuryente.

Ang ibinabayad ng mamamayan ay napupunta sa “nuclear waste fund.”

Ang United Kingdom ay naghiwalay ng 14 sentemo (Euro) para sa pamamahala ng basura ng nukleyar.

Ang Finland naman ay nagtatabi rin ng 10% para sa gastos sa produksiyon ng kuryente para sa “State Nuclear Waste Management Fund.”

Maging ang Canada at Japan ay nagsasayang ng pondo ng pamahalaan para sa nukleyar.

Ang iba namang mga bansa sa Europa ay gumagastos ng malaki upang alisin na ang nukleyar mula nang maganap ang pagsabog ng nukleyar sa Fukushima.

Halimbawa, ang Germany ay 17 planta nukleyar ang isasara hanggang 2022.

Sabi ng CPII, mayroong pag-aaral na nagsasabing nagkaroon ng 69 aksidenteng nukleyar sa iba’t ibang panig ng daigdig ay umabot sa $471 bilyon ang halagang nasayang.

Sabi ng CPII, gusto na ng maraming bansang magsasara ng planta nukleyar na lumipat sa RE kung saan ang gastos sa produksiyon ay mabilis na bumababa.

Idiniin pa ng grupo na walang dapat ipangamba si Cusi, dahil ang potensiyal ng Pilipinas para sa RE ay aabot sa 250,000MW.

Hiwalay pa ang kuryenteng maaaring makuha sa araw.

Sabi ng CPII, maraming patakaran at programa ang pamahalaan hinggil sa RE.

Ayon sa CPII, marami pang dapat pag-aaralan si Cusi hinggil sa RE at nukleyar upang masagot nito nang eksakto kung bakit mali ang nukleyar at tama ang RE para pagkunan ng kuryente.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like