Criminal Justice System, Pinababago

Ni: Glenn Figuracion

KUNG sila ang masusunod, gusto ng Bishop’s Prison Ministry na baguhin muna ang criminal justice system ng Pilipinas bago ibalik ang parusang kamatayan.

Sa panayam, idiniin ni Rodolfo Diamante, executive secretary ng Bishop’s Prison Ministry, na mas mainam na unahin ng administrasyong Duterte at ng kanyang mga ‘tauhan’ sa Kongreso na ang reporma sa criminal justice system bago ibalik ang parusang kamatayan.

Ani Diamante, walang saysay ang pagbabalik ng parusang kamatayan kung maraming butas ang criminal justice system.

Ang pahayag ng nasabing organisasyon ay pagtutol sa pagmamadali ng administrasyong Duterte na ibalik ang parusang kamatayan sa paniwalang isa ito sa magiging daan upang mabawasan, kundi man tuluyang mawala ang mga karumal-dumal na krimen sa bansa.

Inihayag ni Diamante ang tindig ng Bishop’s Prison Ministry sa gitna ng pagdiriwang sa ika-10 taong anibersaryo ng pagkawala ng parusang kamatayan sa Pilipinas.

 

 

Matatandaan na sampung taon na ang nakalilipas nang ipatigil noon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa lawak ng pagtutol ng iba’t ibang organisasyon at kilalang mga personahe.

Ngayong panahon, lubos naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na kailangan nang ibalik ang parusang kamatayan upang maparusahan ang mga taong gumagawa ng karumal-dumal na krimen.

Ang isang halimbawa ng karumal-dumal na krimen ay ang pagpatay sa isang 7-taong-gulang ng isang adik sa shabu pagkatapos siyang gahasain ng ilang beses.

Idiniin ni Duterte na ang parusang kamatayan ay magsisilbing “retribution” sa gumawa ng karumal-dumal na krimen.

Dahil pursigido si Duterte, inaasahan namang magkakaroon na ang bansa ng bagong batas hinggil sa parusang kamatayan sa loob lamang ng tatlong buwan mula sa pagbubukas ng Kongreso sa Hulyo 25.

Ngunit ang gusto ni Duterte na ang parusang kamatayan ay ipatutupad sa pamamagitan ng bitay kaysa lethal injection, sapagkat mas makatitipid kung bitay kumpara sa lethal injection.

“Lubid lang ‘yan. Wala nang maraming gastos,” banggit ni Duterte.

Inaasahan namang titindi ang pagkilos ng iba’t ibang organisasyon laban sa pagbabablik ng parusang kamatayan.

Idiniin ni Diamante, mas mainam na pag-isipan munang mabuti ni Duterte bago muling igiit sa Kongeso ang pagkakaroon ng parusang kamatayan sa bansa.

“Susulat kami at aapila kami sa Kongreso at sa Presidente,” ani Diamante.

Giit pa niya “malupit, hindi makatao, at nakakahiya” ang parusang bitay.

“There is no humane method of killing. The penalty, whether carried out or not, exerts extreme emotional and psychological pressures on the condemned and his family,” dagdag ni Diamante.

Ayon naman kay Fr. Robert Reyes, dating pangulo ng Coalition Against Death Penalty (CADP), ang parusang bitay ay magdudulot lamang ng mas masamang epekto katulad ng “pagbubuo ng environment of vengeance, retribution, anger, hatred and death.”

You May Also Like