Coup at impeachment, nakabanta kay PNoy

coup

Nagbabala ang isa sa mga organizers ng isinagawang interfaith rally sa Quirino Grandstand nitong Biyernes laban sa pork barrel na kung sakaling hindi pakikinggan ni Pangulong Benigno Aquino III ang panawagang buwagin na ang pork barrel pati na rin ang presidential discretionary funds, maaaring maulit diumano ang nakaraan at magkaisa ang mga mamamayan upang patalsikin sa puwesto ang pangulo.

Ani Fr. Joe Dizon ng Clergy Discernment group , “Kung hindi gagawin ni PNoy ang dapat niyang gawin na tuluyan nang tanggalin ang pork barrel system, higit lalo ang kanya, maaaring mawala ang kanyang kredibilidad upang magpatuloy sa pamumuno ng bansa.”

Dagdag pa ni Dizon, “Huwag na niyang antayin na dumami pa ang mga protesta dahil baka humantong sa puntong wala nang balikan.”

Nagbabala din si ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na maaaring ma-impeach ang pangulo dahil sa maling paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o kilala bilang pork barrel ng kanyang administrasyon.

Dagdag pa ni Tino na ang pangulo ang may huling salita sa pagbibigay ng pondo ng PDAF at samakatuwid, sagutin nito ang buong usapin ng pork barrel.

Nito lamang Huwebes, nagpahayag naman ng masidhing galit ang ilang mga miyembro ng militar na nagpakilalang Reformist Officers United (ROU) sa pamamagitan ng isang manifesto na tinawag na “Article of Faith” kung saan iginiit ng grupo na maaari nilang ‘labanan ang apoy sa pamamagitan din ng apoy.’

Ayon sa naturang manifesto, maraming kaalyadong sibilyan diumano ang grupo at maaari nilang ialay, hindi ang isang pag aalsa gaya ng EDSA revolution na humantong sa kawalan, kundi ang tunay na espiritu ng EDSA na nagkakaisa upang tapusin ang katiwalian.

Bago pa man naglipana sa social media ang larawan ng pangulo kasama ang anak ng tinaguriang ‘queen of pork’ na si Janet Lim-Napoles, dati nang kumalat ang isang liham diumano ni Janet kay pangulong Aquino noong Abril 17 apat na buwan bago sumabog ang isyu patungkol sa pork barrel. Ayon sa naturang liham, nakikiusap diumano si Napoles hinggil sa pag-aresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kanyang kapatid hinggil sa diumano’y kidnapping kay Benhur Luy. Si Luy ang nagsiwalat kamakailan sa hearing ng Blue Ribbon Committee ng Senado tungkol sa operasyon ni Napoles at kung paano ibinebenta ng mga mambabatas ang kanilang Pork Barrel.

Humigit kumulang 3,500 katao ang dumalo sa ikalawang malawakang pagtitipon matapos ang ginawang protesta noong Agosto 26. Naghahanda muli ng isang malawakang protesta sa darating na Septyembre 21, anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law ng dating diktador na si Ferdinand Marcos.

You May Also Like

  • adrian

    Ok lang sila?! Talagang mawala kredebilidad kung hindi tanggalin agad? Hindi ba nila isip ung gulo sa zamboanga? San kuha panustos pangulo sa mga evacuees dun kung walang pondo? Alam ba nila sinasabi nila? Lahat galit sa ginawa ni napoles at mga corrupt na officials. Peo its not fair to ask our president such extreme measures like that na hindi iniisip ung lagay ng mga kababayan natin. Bakit hindi natin tulungan ang pangulo imbes batikusin?! Bkit hindi ung mga pulitikong corrupt ang bulabugin nila sa mga bahay bahay nila. Bakit hindi yung pamilya napoles ang guluhin nila. Bakit hindi si misuari ang guluhin nila?! Bakit hindi sila sa zamboanga makigulo?! Hahaha.. Hirap sa atin pinoy.. wala tayo sa hulog minsan eh.