Cool na cool

Kapag matindi ang init ng panahon, mas malakas ang benta. Pero ang appeal ng sorbetes  – sa bata man o sa matanda – tila pang-habang-panahon.

sorbetero
Para sa mga detalye tungkol sa party, matatawagan si Mang Lando sa 0919-2054765

Meron bang party na walang ice cream? Meron naman, pero kung ganito kainit ang panahon tulad ng nararanasan natin ngayong summer na, ayos na ayos pag may sorbetes na masayang pang-tapos sa pansit at iba pang handa.

Gusto ng sorbetes ng mga magpa-party ng isang kumpanya sa Makati, at si Mang Lando – ang mamang sorbeterong si Yolando Cajipe — ang siyang tinawagan para dito. Dahil walang service na sasakyan para sunduin si Mang Lando at ang kanyang ice cream cart, game na game siyang naglakad mula sa Quezon City na kung saan siya ay nakatira hanggang sa Makati.

“Mga tatlong oras akong naglakad. Okey lang naman, umalis lang ako ng maaga,” masayang kwento ng sorbetero, na siyang sanay nang araw-araw na naglalakad mula Cubao hanggang sa karaniwang pwesto sa Temple Drive na di kalayuan sa Ortigas Avenue. Ngunit nang araw na iyon, nasubukan ang tibay ng mga gulong ng kanyang ice cream cart! Lumuwang lang ng kaunti, at kaunting higpit ng mga turnilyo pagkatapos ay parang bago na ulit.

Mga 20 taon nang nagtitinda ng sorbetes si Mang Lando, at paminsan-minsan, dahil na rin sa pag-rekomenda ng mga pamilya, wala siya sa karaniwang pwesto para mag-attend ng party kasama ang kanyang makulay na ice cream cart. Madalas ay mga birthday party ng bata, pero ang pabalik-balik na kumukuha ng sorbetes ay bata pati matanda, sabi niya. Ang palaging unang maubos ay ang keso flavor, pero popular din naman daw ang tsokolate at mangga, dagdag pa niya.

May mga panahong mahina ang benta ng sorbetes, tulad ng tag-ulan. Pero sige pa rin si Mang Lando dahil inaasahan na niya at ng kanyang mga kapwa sorbetero ang ganoong takbo ng benta. Kailangan lang naman ay maging “cool lang” dahil hindi magtatagal at sisikat na naman ang araw o di kaya’y may magpa-plano ng party at tatawagan na naman ang mamang sorbetero. Maaaring pabago-bago ang panahon, pero ang hatak ng ice cream – sa bata at sa matanda – ay tila pang-habang-panahon.

You May Also Like