College girl, nakakuha ng STD

Dear Ate Ami,
Nalilito po ako at sobrang nalulungkot dahil sa nalaman ko kamakailan ang tungkol sa pinsan ko. Tawagin nalang natin siyang Marilou. Lumuwas po ako ng Maynila para asikasuhin ang enrollment ko (4th year high school) at para na rin dalawin ang mga kaibigan kong ‘di ko nakita buong bakasyon. Binisita ko rin si Marilou na isa sa mga pinsan kong ka-edad ko.

Matanda lang siya sa akin ng isangtaon. Ganito po ‘yung nangyari: Pagka galing sa doktor nalaman po na meron siyang STD. Hindi ko nga po alam na may nobyo siya. Pero ang nangyari pala ay iba-iba ang naging partner niya at nakakuha siya ng sakit doon. ‘Di ko po alam kung bakit niya nagawa ‘yon, mahal naman po siya ng tito at tita ko pati ng kapatid niya. At pagdating naman sa gastusin, mukhang sapat naman po ang kinikita ng tito at tita ko dahil nagpapadala sila ng pera sa aming mag-anak paminsan-minsan bilang tulong.

Bakit ho nagkaganoon si Marilou? At may magagawa ba ako para makatulong? Parang ‘di ko alam ang sasabihin ko sa kanya, pero gusto kong tulungan naman siya kahit papano lalo na’t nalaman na ni tito at tita ang sakit niya kaya parang ‘di normal sa bahay nila ngayon. Hihintayin ko po ang payo niyo. More power to you! – Claire

Dear Claire,

Grabe ka naman magtanong—Diyos lang makakasagot niyan, kung bakit nag kaganon ‘yang pinsan mo. Pero pipilitin nating unawain ang kalagayan niya. Una, nalaman mong may STD siya. Nakuha niya dahil sa high school, iba-iba boyfriend niya. Sa panahon ngayon, hindi nabihira ang ganyang mga pangyayari. Hindi ibig sabihin eh kinukunsinti natin iyon. ‘Yun lang, huwag ka nang ma-shock, lalo na’t mukhang hindi naman kayo masyadong in-touch ni Marilou.

Pagkaminsan, kahit na mahal ng mga magulang, kapatid at buong pamilya ang isang tao/babae, nagagawa pa rin niyang “gumawa ng ganon”. Pinapakita lamang niyon na hindi sapat na mahal siya para maging tapat siya at manatili sa tuwid na landas. Maraming tukso ngayon sa panahong ito, at lalo’t higit, naglipana ang kasinungalingan, mga maling paniniwala at pagpapahalaga na nakararahuyo sa kabataan, maraming mga impluwensiyang malakas ang kapit sa murang isipan.
Kaya’t nadadaig ng mga impluwensiyang ito ang pagmamahal ng magulang. Dumarami ang mga kabataang nagiging “matapang” sa pagkakamali dahil sa sulsol ng barkada, dahil sa nakikita sa iba, lalo na sa telebisyon, pelikula, sa internet, atbp.

Noongaraw, wala halos nakikitang “bastos” na babasahin ang mga kabataan; ngayon, kahit limang-taong gulang na kindergartener na marunong mag-computer ay maaari nang makapanood ng porno sa internet. At dahil “babad” ang mga kabataan sa mga ehemplong ipinakikita ng mga celebrities—mga artista, pulitiko, socialites na okey lang mag-live-in, mag hiwalay, magtaksil sa asawa, mabuntis nang dalaga pa, at kung ano-ano pang dati naman ay wala o “bawal” sa kultura natin—kapag hindi naalalayan ang kabataan, tuluyan na silang naniniwala na ito ang acceptable lifestyle o behavior. Lalo pa kung hindi pala-simba o walang kinikilalang authority ang mga kabataang iyon.

Paano ka makakatulong? In the first place, ang dapat unang nababahala dito ay ang kanyang mga magulang at pamilya. Pumapangalawa ka na lang bilang pinsan at kaibigan ni Marilou. Magmasid ka muna—baka naman hindi gusto o kailangan ni Marilou ang tulongmo, baka masabi pang nakikialam ka.

Ang pinakamabisa mong tulong na maibibigay ay: ang magpakatatag ka sa sarili mong tamang paniniwala at pamumuhay at ipanalangin mo na makaraos sila nan gmaluwalhati sa problemang ito. Alalahanin mo na may pakay ang Panginoon sa pagkakaloob sa atin ng ating katawan at kasarian. Kung maipapadama mo ito nang hindi ka nagmamataas o nagsesermon kay Marilou, malaking tulong na iyon sa kanya, bagama’t “hindi halata” na tulong iyon. Talos ng Espiritu Santo ang na sa puso nating lahat.

ate ami

– Ate Ami

 

You May Also Like