CHR: Region 4, No. 1 ‘Killing Field’ ng Tulak ng ‘Shabu’

Ng: Tapat News Team (TMT)

NUMERO uno na ngayon ang Region 4 pagdating sa pagpatay ng mga pinaniniwalaang tulak ng methamphetamine hydrochloride, o higit na kilala sa tawag na ‘shabu’ dito sa Pilipinas.

Batay sa rekord ng Commission on Human Rights (CHR), 43 na ang namatay na drug dealer sa Region 4 simula nang manalong Pangulo ng bansa ang dating alkalde ng Davao City na si Rodrigo Duterte.

Ang Region 4 ay binubuo ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon.

Ipinapakita rin ng datos ng CHR na ang CALABARZON ang numero uno ngayon sa bansa pagdating sa negosyo ng shabu.

Lumilitaw tuloy na sa kasalukuyan ay Region 4 ang numero unong ‘killing field’ ng mga tulak ng shabu sa Pilipinas alinsunod sa datos ng CHR.

Pungalawa sa CALABARZON ang Region 3 (Gitnang Luzon) na 31 tulak ng shabu ang napatay.

Sumunod ang Region 7 (Gitnang Visayas) na walo lamang ang napapatay.

 

 

Sa kabuuan, higit sa 140 na ang namatay na mga tulak ng shabu sa bansa.

Sabi ni CHR Commissioner Robert Cadiz, ang mga napatay ay pawang mahihirap.

Sabi pa ni Cadiz, ang mga pinatay ay maliit na tulak ng ipinagbabawal na gamot.

Hindi naman idiniin ng opisyal kung sinu-sino ang pumapatay.

 

Taliwas sa pahayag ng CHR na panay maliliit na tulak ng shabu ang namamatay, mayroon tatlong big-time drug lords na napabalita sa media na namatay simula nitong Hunyo.

Tig-isa sa Cagayan, Cebu, at Caloocan City.

Iyong sa Cagayan, pinatay ng hindi kilalang mga kalalakihan.

Ganoon din iyong drug lord ng Caloocan na itinumba sa Quezon City.

Sa Las Pinas City naman namatay ng mga pulis ang drug lord ng Cebu.

Samantalang ang tatlong aktibong heneral ng PNP ang ibinisto ni Pangulong Duterte na protektor ng mga big-time drug lord ang iniimbestigahan na ng National Police Commission (Napolcom).

Ito ay sina Director Joel Pagdilao, Chief Supt. Edgardo Tinio, at Chief Supt. Bernardo Diaz.

Ang Department of Justice (DOJ) na ang bahala kina Deputy Director Marcelo Garbo at Chief Supt. Vicente Loot dahil sila ay retirado na sa PNP.

Si Loot ay nahalal na alkalde ng isang munisipalidad sa Cebu.

Tahasang itinanggi kamakailan ng limang heneral na protektor sila ng pinaka-malalaking lider ng sindikato ng droga sa bansa.

Matatandaang hayagang nagdeklara si Philippine National Police (PNP) chief Director-General Ronald “Bato” dela Rosa na mamamatay ang mga tulak ng iligal na droga.

Hindi pa man pormal na nakaupong hepe ng PNP noong Mayo hanggang bago sumapit ang Hunyo 30, paulit-ulit nang idinidiin ni Dela Rosa na mamamatay ang  mga tulak ng shabu, upang matapos ang talamak at malawak na suliranin sa ipinagpapabawal na gamot sa bansa.

Ang posisyon ni Dela Rosa ay nakabatay sa deklarasyong gyera ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga.

Galit si Pangulong Duterte sa droga, diin niya noong nangangampanya pa lamang siya sa pagkapangulo ng bansa.

Ayon kay Cadiz, nababahala ang CHR sa nangyayari araw-araw sa Pilipinas, sapagkat tinatayang 10 na tulak ng shabu ang namamatay araw-araw.

Ani Cadiz na nagsasagawa na ng imbestigasyon ang CHR hinggil sa patayan na ang layunin ay tukuyin ang lalim at lawak ng epekto sa paglabag sa karapatag pantao ng serye ng pamamaslang sa mga tulak ng shabu.

Batay sa batas na nagtayo sa CHR, trabaho ng CHR ang mag-imbestiga at isapubliko ang resulta ng imbestigasyon.

Ngunit, hanggang ganyan lamang ang maaaring gawin ng CHR.

Hindi nito trabaho na isampa sa korte ang kaso laban sa sinumang tao na lumabag sa karapatang-pantao, dahil hindi ito nakasaad sa batas.

Hindi naman nababahala ang PNP sa pag-iimbestiga ng CHR, sapagkat gawain naman talaga ito ng CHR.

You May Also Like