CHR, Pabor na sa Death Penalty

BIGLANG sumuko ang Commission on Human Rights (CHR) sa kalagayang inilatag ng administrasyong Duterte hinggil sa krusada ng pamahalaan laban sa droga.

Ngayon ay solidong sumusuporta na ang CHR sa pagbabalik ng parusanang kamatayan sa mga karumal-dumal na krimen.

Dati, tahasang tutol ang CHR laban sa death penalty dahil naniniwala itong hindi ito ang tamang solusyon upang masawata ang talamak na krimen sa bansa na ang pinag-ugatan ay droga.

Nagbago ang posisyon ng CHR, sapagkat ayon kay Jose Luis Martin Gason, taga-pangulo ng CHR, mas mainam nang magkaroon ng parusang kamatayan kaysa patayin o isalvage ang mga kriminal sa kalsada nang walang kalaban-laban.

 

 

Kung mayroong batas hinggil sa parusang kamatayan ay maipagtatanggol pa ng mga akusadong kriminal ang kanilang sarili sa korte laban na isang ligal at sibil nilang karapatan alinsunod sa itinakda ng Saligang-Batas ng bansa, paliwanag ni Gascon.

Ipinaalala niya na binigyan ng Saligang-Batas ng karapatan ang bawat Pilipino, kabilang na ang mga kriminal, na ipagtanggol ang kaanilang sarili sa ligal na paraan, patuloy ng opisyal.

Aminado ang pinuno ng CHR na hinatak sila ng serye ng pagpatay sa mga pinaniniwalang drug lord at drug pushers sa iba’t ibang panig ng bansa.

Batay sa talaan ng Philippine National Police (PNP), higit na sa 70 ang namatay na mga drug lords at drug pushers simula nang manalong Pangulo ng bansa si Pangulong Rodrigo Duterte.

Kabilang dito ang dalawang kalalakihang natagpuang patay sa ilalim ng tulay sa Quiapo, Maynila nitong Linggo, alas tres ng umaga.

Ang mga mukha ng namatay ay binalot ng plaster na may nakasingit na papel kung saan nakasulat ang katagang “Huwag tularan, Pusher ako!”

Ayon kay Gascon, walang magawa ang CHR kundi suportahan ang mungkahing Death Penalty Law na ihahain sa Kongreso, kaysa hayaang mamayani ang patayan o salvaging sa bansa. (Tapat News Team)

You May Also Like