Chinese Big-time Drug Lord, Patay sa PDEA-PNP Operation

SHABU!: Sinusuri ng mabuti ng isang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang saku-sakong shabu na nakuha ng mga operatiba ng PDEA at Philippine National Police (PNP) sa shabu lab sa Valenzuela City na pag-aari umano ng isang Chinese drug lord na si Meco Tan. Si Tan ay namatay nang paputakan ang mga elemento ng PDEA at PNP. (Rafael Taboy)
SHABU!: Sinusuri ng mabuti ng isang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang saku-sakong shabu na nakuha ng mga operatiba ng PDEA at Philippine National Police (PNP) sa shabu lab sa Valenzuela City na pag-aari umano ng isang Chinese drug lord na si Meco Tan. Si Tan ay namatay nang paputakan ang mga elemento ng PDEA at PNP. (Rafael Taboy)

Ni: Paula Antolin

SA kauna-unahang pagkakataon, mayroong namatay na big-time Chinese drug lord na nakabase sa Valenzuela City.

Si Meco Tan ay namatay nang pagbabarilin ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency Special Enforcement Services (PDEA-SES) at Philippine National Police (PNP).

Sabi ni PNP chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa, si Tan ang kauna-unahang big-time drug lord na napatay sa kampanyang kontra droga ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Ismael Fajardo Jr. ng PDEA-SES, unang bumaril si Tan sa mga element ng PDEA-SES at PNP, kaya pinagbabaril siya.

Maraming tama ng bala si Tan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ang insidente ay naganap dakong 4:10 N.U. sa T.  Santiago Street malapit sa  Willex Compound sa Brgy. Lingunan, Valenzuela City.

Ani Fajardo, maglulunsad sana ang PDEA-SES at PNP sa Willex Compound dala ang search warrant upang malaman kung ang establisimiyentong ito ay shabu laboratory, o hindi.

Kaso, paparating pa lang ang mga pulis ay sumakay na si Tan sa kanyang sasakyan upang tumakas, saad ni Fajardo.

At habang tumatakas, nagpaputok si Tan, kaya pinagbabaril siya ng mga operatiba ng PDEA-SES at PNP.

Matapos ito, pinasok ng mga alagad ng batas ang shabu laboratory ni Tan kung saan naaresto ang anim na Chinese at isang Pilipina.

Nakumpiska rin sa shabu ang napakaraming sako ng shabu, mga gamit sa paggawa ng shabu at iba pa.

Iimbestigahan ng PDEA ang walong nahuli upang  alamin ang koneksiyon nila sa sindikato ng droga ni Tan.

Ayon kay Glenn Mapalad, hepe ng PDEA public affairs office (PIO), si Tan din ang operator ng shabu laboratory sa Naic, Cavite na nadiskubre noong 2003, kung saan 600 kilo ng shabu ang nakuha ng mga pulis.

Si Tan din daw ang may hawak ng shabu laboratory sa Scout Chuatoco, Quezon City kung saan 70 kilo ng shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad.

 

 

You May Also Like