Cheerdance title napunta sa Perpetual Help; Overall NCAA championship sa San Beda

ncaa cheerdance champ

Bilang pagtatapos ng ika-88 season ng National Collegiate Athletic Association ay isinagawa ang taunang cheerdance championship nitong Sabado sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

At sa ika-7 pagkakataon ay hinirang na kampeon ang mga cheerleaders ng University of Perpetual Help System DALTA (UPHSD).

Dahil sa panalo ay naiuwi rin ng UPHSD ang P100,000 premyo at ang magarang tropeyo.

“This victory is another reason to be thankful to God for His endless blessings to our university. We congratulate our team for their 7th win. They really deserve this crown because they have worked so hard to maintain their stature in the league,” sabi ni UPHSD president  Anthony Tamayo.

Pumangalawa naman ang Arellano University at pumangatlo ang Emilio Aguinaldo College.

Inamin naman ni UPHSD cheerdance coach Ruf Vandolph Rosario na taun-taon ay lalong lumalakas ang “pressure” na mapanatili ng koponan ang korona sa NCAA kaya naman taun-taon ay sinisiguro niyang mas maganda ang performance ng UPHSD kaysa nakaraang taon.

“Everybody is expecting us to win so we really have to give our best. Another challenge for us is to come up with new routine and to give a fresher flavor to our stunts every year,” sabi ni Rosario.

Nakuha man ng UPHSD ang cheerdance championship ay nabigo naman itong masungkit ang overall champion ng NCAA. At ito ay muling napunta sa San Beda College.

Sa tulong ng pagkakapanalo nito sa basketball at football ay naibulsa ng San Beda ang ikatlong sunod na overall championship sa liga.

Sa kabuuan ng Season 88 ay nakalikom ng 538 puntos ang San Beda para muling pagharian ang NCAA. Sinundan ito ng College of St. Benilde na nagtapos din sa pangalawang puwesto sa ikatlong diretsong taon.

Ang St. Benilde ay nanalo sa taekwondo (men’s at women’s), table tennis at soft tennis para magtapos na may 502 puntos sa season.

Nasa ikatlong puwesto naman ang San Sebastian College (423) habang nasa pang-apat ang UPHSD (388).
Sinundan ito ng Arellano University (381), Letran (368), EAC (362), Lyceum (191), Jose Rizal University (137) at Mapua (133).

Sa juniors division naman ay pinangunahan ng San Sebastian College na nakopo ang kampeonato sa ikaapat na diretsong season.

Naungusan lamang ng SSC Staglets ng isang punto, 295-294, ang pumangalawang Letran Squires sa overall tally.

You May Also Like