CBCP itinalaga ang buwan ng Hunyo sa Sagradong Puso ni Hesus

ITINALAGA ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) noong Linggo ng Pentekostes ang buwan ng Hunyo sa Sagrado Puso ni Hesus upang mahikayat ang mga mananapalataya na palawigin muli ang debosyon sa Dakilang Awa ng Diyos o Divine Mercy.

Ito ay kabilang sa programa ng 2014 Year of the Laity o Taon ng Layko 2014.

“Alinsunod sa mga halimbawa ni Pope Francis at bunsod na din ng kanonisasyon ni Saint John Paul II, na siyang lumikha ng Kapistahan ng Dakilang Awa ng Diyos o Divine Mercy, ang buwan ng Hunyo ay buwan ng pagpapanibago ng debosyon sa Sagradong Puso ni Hesus at sa Dakilang Awa ng Diyos. Ang Dakilang Awa ng Diyos ay sumisimbolo sa pagkakatawang-tao ng Diyos, na ipinakikita ng Banal na Puso ni Hesus, ang ating Panginoong ipinako sa krus at muling nabuhay.” Ayon sa isang pahayag ng CBCP na nilagdaan ng pangulo nito na si Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas.

Bunsod ng pangangaral ng Santo Papa sa “walang pagbabagong awa ng Panginoon at pangunahing misyon ng Simbahan na maging maawain at mahabagin,” binigyan diin ng CBCP ang pangangailangan na maging mapangunawa sa paglaban sa umiiral na sekularismo sa mundo ngayon.

“Ang Awa ito man ay banal o pantao ay lubusang kinakailangan ngayon ng mundo. Isang mundo na puno ng gusot, kalituhan, at tinabas ng kasalanan at kawalan ng katarungan, na pinangungunahan ng kulturang walang puwang para sa Diyos,” ayon pa sa pahayag.

Ayon pa rin sa Santo Papa, “Ang Panginoong Hesus and nagpakita sa atin ng mahabaging pang-unawa ng ating mapagmahal at mapagpatawad ng Diyos…Nasa mga sugat ni Hesus natin makikita ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos.”
Nanawagan ang mga Obispo sa mga mananampalataya na isabuhay ang pagkamahabagin at pagkamaawain ng Panginoong Diyos upang ang Simbahan ay tunay na magiging “Simbahan ng Awa,” isang simbahan na nangangalaga sa taong lugmok sa kahirapan, kabiguan, kalungkutan at kawalan ng pag-asa.

“Ito ay nangangailangan ng matinding pagdarasal, pagmamahal sa pananampalataya at buhay ispiritwal, ngunit ito rin ay isang hamon na magsakripisyo sa mga gawain na may pagmamahal at hustisya sa ating mga kapatid,” sabi ng CBCP. (PDG)

You May Also Like