Castro, Romero kampeon sa age-group chessfest sa Pangasinan

Hinirang na kampeon sina Jose Carlo Castro at Gladys Hazelle Romero sa under-20 division ng 2013 National Age-group Chess Championships na ginanap sa Pangasinan Training and Development Center sa Lingayen, Pangasinan.

Si Castro, isang third-year high school student ng Far Eastern University-FERN sa Quezon City, ay nakipaghatian ng puntos kay Prince Mark Aquino sa ikalimang round bago dinaig ang kakamping si Dave Patrick Dulay sa huling round tungo sa pagkubra ng titulo sa boys’ under-20 division sa natipong 5.0 puntos.

Si Romero, isang college chess varsitarian ng FEU-Manila, ay tumuhog naman ng apat na sunod na panalo bago humirit ng tabla sa huling dalawang laro laban kina Jean Karen Enriquez at Brena Mae Membrere para makubra ang korona sa girls’ under-20 class.

Ang iba pang namayani sa 6-round Swiss system tournament na inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines ay sina Antonio Almodal III (boys U-16), Eric Robert Yap (boys U-14), Emmanuel Van Paler (boys U-12), John Ruiz Bravo (boys U-10), Darwin Villanueva Jr. (boys U-8), Merlene Membrere (girls U-16), Samantha Glo Revita (girls U-14), Holythurs Mariel Pangan (girls U-12), Ma. Elayza Villa (girls U-10) at Jocelyn Reyes (girls U-8).

You May Also Like