CARPER O CORPSE? Mga magsasaka wala pa ring lupa – KMP

tapatan

by Romar Fernando

MANILA — “97 sa 100 magsasaka ang wala pa ring sariling lupa.”

Ang malaking bilang na ito ay mula sa mga magsasakang hindi pa nakatatanggap ng benepisyo mula sa Republic Act no. 9700 o Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), ani Ka Paeng Mariano, dating pinuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), sa isang ‘Tapatan sa Aristocrat’, nitong Hunyo 23 sa Malate, Maynila.

Sa harap ni Department of Agrarian Reform (DAR) Undersecretary for Legal Affairs, Atty. Anthony Parungao, mariing tinukoy ni Mariano na kahit papalapit na ang huling araw ng pamamahagi ng lupang sakop ng CARP sa ika-30 ng Hunyo, ay kakaunti pa rin ang mga magsasakang napagkakalooban ng lupa. Ani Mariano, dumoble ang lawak ng lupa na hindi pa naipapamahagi na noong 1988 ay umaabot sa 550, 000 ektarya at hanggang sa ito ay umabot na sa 1.2 milyong ektarya ng lupang sakahan na sakop ng CARP.

Problema rin umano ang kawalan ng probisyon para sa mga magsasaka upang magkaroon sila ng boses tungkol sa isyu at ang pagbabayad ng amortisasyon ng mga magsasaka na hindi umano makikita sa Saligang Batas. Nanawagan si Mariano sa DAR para sa isang komprehensibong Agrarian Reform Bill at ang aksyong maaaring gawin ng mababang kapulungan ukol dito.

Dumepensa naman si Parungao sa mga isyung ipinukol sa kanya ni Mariano, aniya, “Isang napakahalagang bahagi ng pag-unlad ng ekonomiya ay ang ‘rural development’ at ito’y matatamo lamang kung may ‘agrarian reform.” Lumampas na umano ng 40% ang mga magsasakang nakabayad na nang buo at hindi na rin aniya kailangang maghintay ng 30 taon para makuha ng orihinal na kopya ng titulo kung nakapagbayad na mga ito. Paglilinaw pa ni Parungao, “Hindi kami humihingi ng extension, mali ang konsepto ng extension ng CARP.”

Igniiit naman ni Mariano, na ang layunin ng ‘agrarian reform’ ay ang palayain ang mga magsasaka ng bansa mula sa mga kamay ng mga nananamantala. Nanawagan si Mariano sa publiko na maging bukas at pati na rin ang mga mambabatas sa isang mas komprehensibong reporma sa lupa.

Malakas naman ang pag-asa ni Parungao sa kinabukasan ng reporma, “Matibay at matatag pa rin ang aking pananampalataya na may kinabukasan at dapat may kinabukasan ang ating repormang pangsakahan. Dito po nakasalalay ang tunay na kaunlaran sa ating bansa. Nakikita ito sa mga hakbang na ginagawa na ng gobyerno.” “Mayroon po, mayroon pong kinabukasan ang ‘agrarian reform,’ palakasin po natin ang adbokasiya at pagsusulong nito katulad ng mga magsasakang matiyagang nagsusulong nito,” ani Mariano.

You May Also Like