Caloy Loyzaga nasa bansa para sa paglulunsad ng tribute book

story 3-caloyNasa bansa ngayon ang tinaguriang “The Greatest Filipino Basketball Player” na si Carlos “Caloy” Loyzaga para personal na dumalo sa  book launching ng Caloy Loyzaga: The Big Difference.

Nakatakda ang paglunsad ng tribute book para kay Caloy sa Miyerkules, Marso 20, sa San Beda College chapel sa Mendiola, Manila.

Ang libro, na pinagtulungang buuin ng mga pangunahing sports writers sa bansa, ay may kapal na 100 pahina at naglalaman ng mga kuwento, mga larawan at iba pang bagay tungkol kay Caloy na tinagurian ding “The Big Difference,” “The Great Difference” at “King Caloy” noong naglalaro pa siya para sa San Beda College.

Hinatid ni Caloy, na ngayon ay 82 taong gulang na, ang Red Lions sa kampeonato ng NCAA noong 1951, 1952 at 1955. Pinangunahan din niya ang San Beda noong nasungkit nito ang National Open championship noong 1951.

Si Caloy ay may taas na 6’3’’ lamang ngunit magiting niyang tinapatan ang mas matatangkad na sento ng kalabang bansa sa iba’t ibang international tournaments.

Hinatid niya sa gold medal finish ang pambansang koponan ng Pilipinas sa Asian Games ng apat na beses (1951, 1954, 1958 at 1962) at sa ABC tournament (FIBA-Asia na ngayon) ng dalawang beses (1960 at 1963).

Pinanguanahan din niya ang bansa sa bronze medal finish sa 1954 Rio de Janeiro World Basketball Championship matapos mag-average ng 16.4 puntos kada laro sa torneyo.

Muli siyang nakasama ng koponan sa World Basketball Championship sa Santiago, Chile noong 1959.

Nakapaglaro din siya sa Olympics noong 1952 sa Helsinki at noong 1956 sa Melbourne.

Si Caloy ay kasalukuyang naninirahan sa Australia at bumalik ng Pilipinas kamakailan para sa naturang book launching na inorganisa ng San Beda College Alumni Association, San Beda College Alumni Foundation at San Beda Law Alumni Association.

Ilan sa mga napiling magsulat para sa libro ay sina Quinito Henson,  Beth Celis, Tessa Jazmines, Henry Liao, Lito Cinco, Ignacio Dee, Frederick Nasiad at dating senador Rene Saguisag.

You May Also Like