Buntis Patay, 5 Bata at 2 pa, Sugatan sa Bukidnon

 

 

Ni: Boy Celario     
 
ILANG oras bago lumampas ang 5:00 N.H. nitong Sabado kung saan binawi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang unilateral ceasefire na inilatag niya laban sa mga komunistang grupo, isang buntis ang namatay, 5 bata, at dalawang katao pa ang namatay nang maglunsad ng ambus ang isang paramilitary group sa Bukidnon.
 
Ayon sa press statement ng Rural Missionaries of the Philippines-Northern Mindanao Sub-Regional Inc.  (RMP-NMR), ang insidente ay naganap noong umaga ng Sabado sa pamayanan ng Tigwahonon,  Tibugawan sa Barangay Kawayan sa San Fernando, Bukidnon.
 
Sabi ng RMP-NMR, isang buntis ang namatay, kasama ang bata sa sinapupinan nito.
 
Sugatan naman ang limang batang 7-taon-gulang hanggang 8 taon, kasama ang batang anak ng buntis at dalawa pang katao, patuloy ng grupo.
 
Ang namatay na buntis ay nakilalang si Makirit Gayoran.
 
Hindi natukoy ng RMP-NMR kung ano ang pangalan ng paramilitary group na gumawa ng karumaldumal na krimen.
 
Ang alam lamang ng grupo ay pinamumunuan ito ng isang Butsoy Saludad.
 
Ayon naman sa ulat ng Katungod Lumad Alert, katatapos lamang umano kasalan sa nasabing pamayanan nang magsimulang umulan ng bala sa lugar.
Tinamaan ng bala sa dibdib Gayoran.
 
Sinabi pa sa ulat na ang paramilitary group na pinamumunuan ng isang Butsoy Saludad ay nakaposisyon sa mataas nabahagi ng bundok ang sinasabing responsible sa naturang pamamaril sa isang bahay sa komunidad  kung saan may 80 katao habang isinasagawa ang kasalan.
 
Ayon pa sa ulat ng  RMP-NMR, bago maganap ang insidente sa Barangay Kawayan, nakita umano ng isang Arnold Manhura si Salusad sa kahabaan ng isang kalsada sa Sitio Spring, malapit sa Sitio Tibugawan.
 
Nakasuot daw si Salusad ng military camouflage at combat shoes na mayroong hawak na baril kung saan kasama ang 11 armadong kalalakihan  na may hawak na dalawang residente ng Sitio Spring at Sitio Tibugawan na nakatali ng lubid na nagsilbing giya ng nasabing paramilitary group.
 
Nabatid pa sa ulat na nakiusap umano si Datu Arnold kay Butsoy na huwag nang pumunta sa Sitio Tibugawan dahil maaari nitong maistorbo ang nagaganap na kasalan sa lugar.
 
Subalit nagpatuloy pa rin umano si Salusad hanggang sa marinig na lamang sa pamayanan ang walang habas na pamamaril matapos ang kasalan.
 
Dinala sa pinakamalapit na pagamutan ang pitong sugatan kung saan lima rito ay mga batang lalaki na nasa 7-taong-gulang hanggang 8 lamang.
 
Ayon sa RMP-NMR, nitong nakaraang buwan, nakatatanggap  ang naturang pamayanan ng pagbabanta mula kay Butsoy Salusad na kapag hindi sumuko ang isang Datu Jimboy Mandagit na inaakusahang miyembro umano ng New People’s Army (NPA) sa kanyang pangkat ay susugurin umano nito ang nasabing pamayanan.
 
Si Jimboy ay kabilang sa mga pinuno na  sinamahan ang mga pamilya sa Tigwahanon sa kanilang paglikas sa Haran Davao City nitong nakalipas na taon dahil sa operasyon ng militar sa nabanggit na pamayanan.
 
Nanawagan naman ang RMP-NMR sa adminitrasyong Duterte na ipaglaban ang hustisya ng mga biktima ng naganap sa Bukidnon.

You May Also Like