Bumoto ng husto at wasto sa Mayo 13

The DreamerKatulad ka rin ba ng karamihan na hindi masyadong binibigyan ng halaga ang botohan?

Para sa ating bansa at sa ating mga bayan na tinitirahan, mainam na pag-isipan po natin ng mabuti ang bawat kandidato na ating iboboto. Iluklok po natin sa puwesto ang mga karapat-dapat. Siyasatin po natin ng maigi ang kwalipikasyon ng bawat isa para sa ganoon ay tama at may ibubuga naman ang ating mga iboboto sa Mayo 13.

Napakasuwerte natin ngayon dahil meron tayong Comelec na seryoso sa pagpapatino ng ating electoral process. Dating election lawyer si Comelec Chairman Sixto Brilliantes kaya alam niya ang lahat ng pasikut-sikot ng dayaan at palusutan sa eleksyon.

Sa pamamagitan ng magandang hangarin at dedikasyon ng isang institusyon ay nayanig ang kalakaran sa halalan at napilitan sumunod ang mga kandidato at partido sa mahigpit na guidelines ng Comelec. Forced to good, ika nga.

Tama ka, masunurin naman ang Pinoy. Lalo na pag alam niya na hindi siya makakalusot!

Huwag po nating sayangin ang pagkakataong ito na maging bahagi ng pagpapatino ng botohan sa ating bansa.

Lalong lalo na sa mga bayan sa Metro Manila na tahimik ang darating na midterm elections dahil sa walang kalaban ang mga incumbent mayors or congressmen.

Ganyan ang situwasyon sa amin sa Marikina at sa iba pang lungsod ng Metro Manila tulad ng Quezon City, San Juan, atbp.Pero ang mahirap sa walang kalaban ang top positions ay ang tendency ng karamihan na magrelax at huwag nang bumoto.

Yan ang lumalabas na sentimiyento galing sa survey na aming ginawa kailan lamang. Marami sa mga respondents ang nagpahayag na hindi na nila kailangang bumoto dahil wala naman daw kalaban.

Sana naman makita ng mga botante sa mga lugar na ito ang kahalagahan ng pagboto nila sa darating na halalan kahit na hindi ito hotly contested. Sa ganito kasing situwasyon kadalasan nakakasingit ang mga palpak na kandidato.

Nawa’y makumbinse natin ang ating mga kamag-anak at kaibigan na bumoto ng husto at bumoto ng wasto sa darating na halalan.

You May Also Like