Exclusive: Building permit sa QC, pinagkakakitaan ng mga opisyal

Ni: Joel O. Amongo

KUNG ikakasa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kampanya laban sa talamak na korapsiyon, dapat unang sampolan niya ang Quezon City.

Sa Quezon City kasi, talamak ang katiwalian at korapsiyon ng mga opisyal at mga fixer ng mga ito sa pagpoproseso ng building permit.

Nabatid ng Tapat News online na mayroong kabuuang 32 dokumento ang inaasikaso para makakuha ng building permit.

Isang engineer sa Office of the Building Official (OBO) na pumayag na makapanayam ng Tapat News online, sa kondisyong hindi babanggitin ang kanyang pangalan ang nagsabing siguradong napakatalamak at matagal nang umiiral ang korapsiyon sa pagkuha ng building permit.

Sinabi nitong sa sampung kataong pumipirma para sa aplikasyon ng building permit,  limang daang piso ang dapat ihanda ng aplikante para sa bawat isa sa 10 signatory na may kabuuang P5,000.

Aniya, hiwalay pa ang lagayan para sa super-bilis na pagpoproseso ng mga dokumento upang mabilis ang paglabas ng building permit.

Syempre, mas malaki ang lagay, o padulas kung mabilis ang pag-isyu ng building permit.

Aniya, kasama rin sa umiiral nina korapsiyon ang locational clearance, fire, at contractor tax.

 

 

Ang ligal na babayaran sa building permit para sa residential ay P40 kada square meter x sa lawak ng lupain na tatayuan ng bahay, plus P65 kada square meter lamang.

Pero kung para sa negosyo ang lupa ay magiging P65 x buong sukat ng lupang tatayuan ng gusali.

Pero, mas malaki ang padulas, o lagay upang mailabas agad ang building permit, banggit ng engineer sa OBO.

Kung walang padulas, tiyak higit isang taon makukuha ang building permit.

Ibinulgar din ng opisyal ng OBO na malaking pera ang pumapasok sa tanggapan ni Engr. Isagani Verzosa, hepe ng OBO, mula sa malalaking kumpanya na nagpapatayo ng malalaking gusali sa Quezon City.

Ang mga ito ay ang Avida (Ayala group) SM Department Store, Robinson Department Store, Suntrust, at marami pang iba nagtatayo ng matataas na gusali sa lungsod.

Ang nasa likod umano ni Verzosa ay dalawang matataas na opisyal na ‘dikit na dikit’ kina dating Mayor Feliciano Belmonte at Mayor Herbert Bautista.

Ang mga opisyal na ito ay tiyak na kumikita rin.

Inamin ni Verzosa na totoong sobrang hirap at tagal ng pag-isyu ng building permit sa mga aplikante.

Inamin din niya na ang labis na kabagalan ng paglalabas ng building permit ay bukas na bukas na pagkakitaan ng mga opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaang lokal na pawang lumalagda sa mga dokumentong kailangan para mailabas ang building permit.

Itinuro ni Verzosa ang ibang tanggapan sa pamahalaang lokal na kumikita sa buong proseso ng paglalabas ng building permit, ngunit tahasan niyang itinanggi na kasali siya sa pagnanakaw ng pera ng mga aplikante.

You May Also Like