Botohan sa mga mall, hindi na tuloy

Ibinasura ng Comission on Elections (Comelec) en banc nitong nakaraang Martes, ika-26 ng Abril, ang panukalang idaos sa mga mall ang botohan para sa darating na eleksyon.

Mula sa naunang desisyon na inilabas ng Comelec noong ika-10 ng Marso na nagbibigay-pahintulot na magsilbing “voting place” ang mga mall, binawi ng komisyon ang nauna nitong pasya matapos magkabotohan ulit ang mga Comelec commissioners hinggil sa nasabing isyu. Tatlo ang pumabor na sa mga mall isagawa ang botohan at sila ay sina Comelec Chairman Andres Bautista, at Commissioners Sheriff Abas at Al Parreño habang apat naman ang tutol at sila ay sina Commissioners Rowena Guanzon, Luie Tito Guia, Christian Robert Lim, at Arthur Lim.

Kamakailan lamang ay kinwestiyon ni dating Comelec commissioner Gregorio Larrazabal sa kanyang liham sa Comelec na nilagdaan noong ika-20 ang pagkaayon sa batas ng naunang desisyon ng Comelec.

Ayon kay Larrazabal, lumabag daw sa ilang probisyon ng Omnibus Election Code (OEC) ang pasya ng Comelec na isagawa ang eleksyon sa mga mall.

Binanggit ni Larrazabal ang Section 153 ng OEC na nagsasabing, “no location shall be changed within forty-five [45] days before a regular election” kaya naman isang lantarang bayolasyon ang paglilipat ng pagdarausan ng eleksyon sa mga mall, 19 araw bago ang ika-9 ng Mayo.

Bilang isang elections lawyer, iginiit din ni Larrazabal na inoobliga ng Sections 154 at 154 ng OEC ang Comelec na magsagawa muna ng public hearing bago aprubahan ang kahit anong panukalang ilipat ang lugar ng pangyayarihan ng botohan. Dagdag pa ni Larrazabal, ito ay para magbigay-alam sa mga rehistradong botanteng makikilahok sa eleksyon.

Ikinatuwa naman ni Larrazabal ang naging pagbabagong-pasya ng Comelec ukol sa isyu. “It’s good that the Commission En banc resolved the issue of Mall Voting. Procedurally, mall Voting did not comply with the requirements of the law. It’s good the Commission clarified this issue. I hope this now will allow us to discuss the more pressing concerns of the fast-approaching elections,” ani Larrazabal.

Nanghihinayang naman si Bautista sa hindi pagkatuloy ng mall voting, lalo pa’t maraming botante ang pabor dito lalo na ang mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs) dahil mas mapapadali na sana ang pagboto nila. Pangako ni Bautista, susubukan na lamang muli ng Comelec na maisagawa na sa susunod na eleksyon ang botohan sa mga mall. (Carizza Ibañez)

You May Also Like