Boom-Boom Bautista, itataya ang korona

story 2-boom boom boxerItataya ni Rey “Boom-Boom” Bautista ang hawak niyang World Boxing Organization (WBO) International featherweight championship sa Abril 20 sa main event ng Pinoy Pride XIX na gagawin sa University of Southeastern Philippines (USEP) gym sa Davao City.

Ito ang unang pagkakataon na maidepensa ng mandirigmang galing ng Candijay, Bohol ang kanyang titulo.
Makakatapat ni Bautista si Jose “Negro” Ramirez ng Mexico na may ring record na 24 panalo, 3 talo at 15 KOs.

Papasok naman si Bautista sa labang ito na tangan ang kartadang 34 wins, 2 losses at 25 KOs.

Nakuha ni Bautista ang bakanteng korona matapos biguin si Daniel Ruiz ng Mexico sa split decision noong Oktubre 20 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Kampante naman si Bautista na mapananatili niya ang kampeonato at mapasasaya ang mga boxing fans sa Davao City.

Pinaghandaan din ng husto ni Bautista ang labang ito at nagbantang pababagsakin niya ang Meksikanong dayuhan sa Abril 20.

Maglalaban naman sa main supporting bout sina Rocky “The Road Warrior” Fuentes ng Pilipinas at Juan “Loquito” Kantun ng Mexico.

Magtutuos din sa undercard sina Arthur “El Matador” Villanueva ng ALA Gym at Marco Demecillo ng Wakee Salud Stable para sa Orient Pacific Boxing Federation (OPBF) super flyweight championship gayundin sina Lorenzo “Thunderbolt” Villanueva ng Braveheart Stable-Cotabato at Arief “The Ice” Blader ng  Indonesia sa isang 8-round 126-lb bout.

You May Also Like