Bobotante ka ba?

Hayaan ninyong isulat dito ang sinulat ng aking kaibigang si Rogie Ylagan ng Antipolo tungkol sa eleksyon. May sundot sa konsensya dahil marami sa atin ay guilty at tatamaan sa kanyang sinulat. Marami sa atin ang umaangal bakit hindi umuunlad ang Pilipinas at bakit mahirap pa rin ang buhay. Kung minsan nyo na ring sinabi ang ilan sa mga ito, mag-isip-isip na tayo…baka nasa atin ang problema.

Paulit-ulit na tayong sinasabihang vote wisely. Hanggang ngayon, hindi pa rin nahahalal si wisely, dahil pinapairal natin ang ating pagiging bobotante. Ang sabi ng bobotante:

1. “Sayang ang boto ko, di naman ‘yan mananalo.”
Ginawa mong sugal ang boto mo. Dahil dehado, kahit tingin mo eh ok naman, hindi mo iboboto. Ngayon binoto mo yung kahit ayaw mo pero at least malaki chance manalo. Ok congrats, panalo ka. Para kang tumaya sa karera ng kabayo o sabong. Panalo ang tinayaan mo. Ano ngayon premyo mo? Ilang taon ka na bumoto ng ganyan, malaki na ba napanalunan mo? O ganon pa rin sitwasyon mo?

2. “Wala pa naman silang napatunayan. Mga bago lang ‘yan. “
Kaya bumoto ka ng pamilyar na pangalan. Sila uli, dahil sabi nga tutal may napatunayan na sila. May karanasan na. At naranasan mo na rin ang hirap. At marami ring may karanasan na sa pangungurakot, expert na. Mahirap nang hulihin.

3. “Di ko kilala mga kandidato. Bahala na sa makikita ko sa balota.”
Napakaraming mga web pages tulad nito na nagpapakilala sa mga kandidato. Pag bibili ka ng cellphone, nag-re-research ka pa ng sandamukal at nagtatanong-tanong ka kung ano ang okey na bilhin. Naghahanap ka pa kung san ka makakamura. Andami mong oras na naka-log in sa Facebook pero yung pagbasa man lang ng profile at list ng mga kandidato online, di mo magawa. Tapos rereklamo ka ng kung sino-sino ang nananalo.

4. “Boto ko ‘tong anak/kapatid/asawa/pinsan ni kwan. Ok naman kasi siya kaya malamang ok din itong kadugo niya.”
Hindi tamang manghusga dahil lang sa kadugo. Maaari itong makaapekto, sang ayon ako dito. Puedeng sa mabuti, puede ring sa masama. Pero kung ito lang ‘yung dahilan mo para iboto o hindi iboto ang isang kandidato, ito ay tatak ng pagiging bobotante.

5. “Artista/atleta/ekonomista/sikat ‘yan, kaya iboboto/hindi ko yan iboboto.”
Tulad ng dugo o lahi, ang trabahong pinanggalingan ay hindi dapat maging kaisa-isang basehan ng pagboto. Hindi porke ganito o ganyan ang trabaho nila, iboboto o hindi na sila ang iboboto. Puede itong maging batayan. Pero marami pang ibang puedeng gawing panukat kasama nito.

6. “Di na ko boboto, wala rin naman magbabago.”
Ok lang yan, pero huwag ka ring masyadong mag-reklamo. Dahil ang di mo pagboto, katulad na rin ‘yan ng pagsuporta mo sa taong ayaw mong manalo. Ang di mo pagboto, ay hindi direktang pagboto sa kandidatong di mo gusto.
Tandaan: nasa inyong mga kamay ang kinabukasan ng ating bansa at ng iyong pamilya. Maging mapanuri sa pagpili ng iboboto ngayong Mayo.

You May Also Like