Blackwater llamado kontra Big Chill sa D-League

Ang masungkit ang ikaanim na panalo sa pitong laro ang puntirya ngayon ng nangungunang Blackwater Sports Elite sa pagpapatuloy ng 2013 PBA D-League Foundation Cup sa Martes sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.

Makakalaban ng Blackwater Sports ang Big Chill sa unang laro at magtutuos naman ang nagdedepensang kampeong NLEX at Cagayan Valley sa pangalawang laban.

Maganda ang naging simula ng Elite sa torneyong ito. Galing sila sa 72-69 panalo kontra Jumbo Plastic Linoleum noong isang linggo.

Kontra Big Chill ay patuloy na aasahan ni Blackwater Sports head coach Leo Isaac ang mga kamador niyang sina Giorgio Ciriacruz, Robby Celiz, Justin Chua, Allan Mangahas at Kevin Ferrer.

Ang Big Chill naman ay pangungunahan nina Lendmark Montilla, Alex Nuyles, Mark Angelo Canlas, Quinton Heruela at Arvie Bringas.

Samantala, asinta naman ng NLEX Road Warriors ang ikaapat na sunod na panalo sa pagharap nito sa Rising Suns. Sa pagbubukas ng torneyo ay agad nakalasap ng dalawang sunod na kabiguan ang NLEX ngunit bumalikwas ito at sumikwat ng tatlong diretsong panalo para makabalik sa kontensiyon.

You May Also Like