BISE

Masasabi ko na sa kasaysayan ng halalan sa Pilipinas, marahil ito na ang may pinakamainit at may pinakadikit na labanan para sa posisyong bise-presidente. Robredo, Escudero, Marcos, Cayetano, Honasan at Trillanes. Kung iisipin, ang ilan sa mga pangalang nabanggit ay maaari ring ipansabong bilang pangulo. Para sa akin, ang bise-presidente ay dapat maging katuwang o kaagapay at hindi karibal ng pangulo. Siya rin ay dapat magkaroon ng mahalagang papel sa gabinte ng pangulo. Sa ating kasaysayan muli, maraming pangalawang pangulo ang naging pangulo ng ating bansa gaya nina Gloria Macapagal-Arroyo at ang kanyang ama na si Diosdado Macapagal, Joseph Estrada, Elpidio Quirino, Carlos P. Garcia at Sergio Osmeña.

***
Ang rape ay isang karumal-dumal na krimen. Sabi nila, “jokes are half-meant.” Maging sensitibo. Lahat tayo ay may ina at galing sa isang ina. Karamihan din sa atin ay may kapatid na babae. Walang puwang sa ating lipunan ang mga lumalapastangan sa ating kababaihan. Ang lahat ng tao ay may karapatan na sabihin ang kanilang mga saloobin. Ngunit ang lahat ng karapatan ay may hangganan at may kaakibat na responsibilidad.

***
Kung sa Student Council Election lalahok ang mga kumakandidato bilang pangulo, malaki ang tsansa na manalo si Miriam Defensor-Santiago. May aklat siya na pinamagatang “Stupid is Forever.” Patok na patok ito sa mga kabataan mula nang lumabas ito noong 2014. Sana mabasa ito ng mga pulitiko para sila ay maaliw sa kanilang mga sarili.

***
Uso na naman ba ang tanim-bala sa NAIA? Lagi na lang may problema sa NAIA – tanim/laglag-bala, “worst airport in the world,” CR na walang tubig, “blackout,” pasaway at abusadong mga tsuper ng taxi, mahahabang pila sa check-in counter at marami pang iba. Sana ang paliparan natin ay maging tulad ng nasa Singapore, Hong Kong o South Korea. O kahit man lang yung nasa Thailand o Malaysia. Ang mga bansang nabanggit ay mga kapitbahay lang natin kaya nakakahiya. (Prof. Michael Trias – Ang)

You May Also Like