Binay todo iwas sa umanoy maanomalyang kontrata

Tumanggi si Vice President Jejomar Binay sa hamon ni Liberal Party bet Mar Roxas na ipaliwanag ang umanoy maanomalyang mga kontrata ng Makati sa huling presidential debate na ginanap sa Pangasinan kahapon.

Ayon kay Binay, standard-bearer ng United Nationalist Alliance (UNA), hindi n’ya pag-aaksayahan ng panahon ang pagpapaliwanag hinggil sa alegasyong over-pricing ng mga kontrata ng lokal na pamahalaan ng Makati.

“Ilang beses ko na sinagot ‘yang mga pinagsasabi mo, mariing bwelta ni Binay kay Roxas. “Wala nang bago d’yan.”

“Hindi naman ikaw ang hukuman para humatol kung ako ay may kasalanan,” dagdag pa nito.

Hamon ni Binay na dumako na lang sa paglalatag ng plataporma.

Ayon sa Bise Presidente, ididebelop n’ya ang sektor ng agrikultura.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, aalisin umano ang irrigation fee, magkakaroon ng rebyu sa insurance at magpapatupad ng mga programang magpapaunlad sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, dagdag pa nito.

Giit naman ni Roxas, “pagkakataon mo na po ito para ipaliwanag ang mga charges na hindi mo nasasagot sa Senado, kung papano ang isang kama (hospital bed) na P34,000 ay naging P545 (thousand), kung papano ang isang building na P200 million ay naging P2.8 billion.”

Sa pahayag ni Commission on Audit (COA) Commissioner Heidi Mendoza sa isang imbestigasyon ng Senado, may over-price na P61.2 million sa pagbili ng mga medical equipment na may kabuuang halagang P70.56 million sa panahon ni Elenita Binay, naupong alkalde ng lungsod simula 1998 hanggang 2001.

Ang mga medical equipment ay may aktwal na halaga na P9.3 million, ayon kay Mendoza.

Diin ni Roxas “tiwala ang nasa sentro ng ating relasyon sa ating mga kababayan. Kaya binigyan kita ng pagkakataon na masagot mo itong mga katanungan na hanggang ngayon ay hindi pa nasasagot.”

Matatandaang idiniin ng Ombudsman si Binay at anak nitong nasibak na Makati Mayor Junjun Binay sa umanoy maanomalyang kontratang pagtatayo ng P2.8 na Makati City Hall Building II. (William Rodriguez)

 

 

 

 

 

 

 

You May Also Like