BINAY nanguna, ROMUALDEZ pumalo sa pangatlo sa bagong survey!

Nanguna si Bise-Presidente Jejomar C. Binay sa karera sa pagkapangulo sa darating na halalan base sa huling isinagawang survey ng Philcoman Research Institute Inc. (PCMRII) sa pagitan ng Marso 31 at Abril 15.

Ayon sa direktor ng pananaliksik na si Dr. Ernie Gonzales, nakakalap ang kanilang field researchers mula sa higit 1,200 respondents kung sino ang kanilang napupusuang iboto batay sa ilang mahalagang isyu. Pinagbatayan ang plataporma ng mga kandidato hingil sa mga isyung patungkol sa kahirapan, kriminalidad, politika, ekonomiya at maging ang seguridad ng bansa.

Lumabas sa isinagawang survey na nanguna si Binay na nakakalap ng 31 porsyento . Sumusunod si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na may 25 porsyento samantalang si dating kalihim ng Department of Interior and Local Government Mar Roxas ay nakalambat ng 19 na porsyento kasunod ni Senadora Grace Poe na nakakuha lamang ng 16 na porsyento. Nahuhuli naman si Senadora Miriam Defensor Santiago na may 7 porsyento.

Taliwas sa ilang mga survey na hango sa popularidad, ang survey ng PCMRII ay itinuon ang pagsasaliksik sa polisiya kung saan ang mga katanungan ay magpapatunay kung sino sa mga kandidato ang may kongkretong plano para sa bansa. Ito ay base na rin sa apat na mahahalaga at magkakaugnay na isyu.

Nanatili namang walang desisyon ang natirang pang 2 porsyento sa mga respondents.

Nakakuha naman ng 31% si Senador Bongbong Marcos para sa unang posisyon sa karera sa pagka bise-presidente na sinundan ni Senador Francis Escudero na nagtala ng 24%. Pumangatlo si Senador Gringo Honasan sa 16% na sinundan ni Kongresista Leni Robredo na nakakalap ng 13%.

Pambihira naman ang ipinamalas na pagbulusok pataas ng ilang kandidato sa pagka senador tulad ni Leyte Rep. Martin Romualdez na ngayon ay pangatlo na may approval rate na 48% .

Pumapangalawa si Senador Ralph Recto na nagtala ng 49%. Sinusundan ni dating senador Richard Gordon na may 47% sa ika-apat na pwesto at pang-lima naman si dating senador Ping Lacson na nagtala ng 45%. Siya ay sinundan ni senador Franklin Drilon na may 43% at 41% kay Sarangani representative Manny Paquiao para sa ika-pitong pwesto. Nananatiling nasa unang pwesto naman si Senador Vicente Sotto na nagtala ng 51%.

Inaasahang ilalabas ng PCMRII ang huling resulta kanilang mga survey isang linggo bago ang halalan sa Mayo 9. (Paul de Guzman)

You May Also Like