Biktima ng extrajudicial killing, nagbunyag sa siyam na ‘Ninja’

 

 

 Ni: Paula Antolin
 
“Drug pusher ako ng mga pulis na nagre-recycle ng shabu.”
 
Ito ang mensaheng nakasulat sa karatolang nakasabit sa leeg ng isang lalaking biktima ng extrajudicial killing na natagpuan sa Quezon City nitong madaling araw ng Huwebes.
 
Batay sa blotter ng Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD – CIDU), ang lalaking natagpuan sa Central Avenue sa Brgy. Central ay nakagapos ang dalawang kamay at laslas ang leeg.
 
Kaya, masasabing biktima ito ng extrajudicial killing.
 
Ang natagpuang biktima ang kakaiba sa lahat ng natagpuang biktima ng extrajudicial killing, sapagkat ang natagpuang bangkay sa Central Avenue sa ganap na alas 3:00 N.U. ay itinuro ang mga pulis na sangkot sa recycling ng shabu.
  
Ayon pa rin sa blotter, ang karatolang nakasabit sa leeg ng biktima ay nakasulat din ang mga pangalan ng siyam na pulis na sangkot sa recycling ng shabu.
 
Ang mga pulis ay nakilalang sina Senior Insp. Senior Insp. Damaso Gayatao alyas “Father”, PO3 Jojo Torrefiel, PO2 Max Tarafe, PO3 Mike Narag, P02 Christian Barredo, PO2 Richard Galvez, PO2 Gary Gaerlan, PO1 Alvin Balistog, at isang “Tata Glen.”
 
Nang malaman ang impormasyon, agad namang ipinag-utos ni Chief Supt. Oscar Albayalde, acting director ng Philippine National Police – National Capital Region Police Office (PNP – NCRPO), kay Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, acting director ng QCPD, na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang malaman kung totoo, o hindi ang nakasaad sa karatolang nakasukbit sa leeg ng nakitang  bangkay sa Culiat.
 
Sabi ni Albayalde, dapat bilisan at tiyakin ang katotohanan sa alegasyon laban sa siyam na mga  pulis.
 
Kung mapatutunayang totoo ang ibinunyag, madadagdagan ang pulis QCPD na mapupunta sa iba’t ibang yunit ng PNP sa Mindanao.
 
Kamakailan, umabot sa 43 pulis QCPD ang ipinatapon sa Mindanao dahil sa pagkakasangkot nila sa recycling ng shabu.
 
Ang  ibig sabihin ng recycling ay binabawasan ng mga pulis ang nakukumpiska nilang shabu mula sa drug dealer na nahuhuli nila na may dalang milyun-milyong halaga ng shabu.
 
Pagkatapos ay muling ibinebenta sa mga user sa pamamagitan ng network nila ng durg pusher.
 
Hindi pa kasali sa ipinatapon sa Mindanao ang 86 na pulis sa pangunguna ni Chief Insp. Enrico Figueroa ang sinibak mula sa dalawang anti-illegal drug unit ng QCPD habang nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa posible nilang pagkakasangkot sa recycling ng shabu.
 
Si Figueroa ay hepe ng District Anti-Illegal Drug – Special Task Operations Group (DAID – STOG) na naging kontrobersiyal dahil sa isyu ng recycling ng shabu.
 
Si Figueroa ay naging hepe ng DAID – STOG nang italaga siya ni Chief Supt. Edgardo Tinio noong si Tinio pa ang hepe ng QCPD.
 
Tinanggal sa puwesto si Tinio at hindi binigyan ng bagong trabaho makaraang idiin siya ni Pangulong Rodrigo Duterte na isa sa limang police general na protektor ng drug syndicate.
 
Si Tinio, kasama sina Director Joel Pagdilao at Chie Supt. Bernardo Diaz, ay iniimbestigahan ng National Police Commission (Napolcom) hinggil sa ibinunyag ni Duterte.

You May Also Like