Big Mama, Kim, Smugglers, Faeldon, at BOC

 

Ni: Nelson S. Badilla

 

HINDI ko kilala ang mga ito, pero sila ang mga matitinik at sila ang hindi ginagalaw sa Bureau of Customs (BOC).

Sila “Big Mama”, “Kim Gumba”, “JRT” , “Tolentino” , “Moso” , “Dave T” , “Azucar” , “Jeric Yap”,  “Bocalin” , “JT/Eves” , “Ma’am T” , at “Mr. T.” ang kilala, kilabot, notoryus, at matagal nang mga sangkot sa smuggling sa BOC.

Hindi sila ginagalaw kahit lantarang iligal at labag sa batas ang ginagawa nila dahil tiyak mayroon silang protektor sa loob ng BOC na kumikita ng malaking-malaking halaga mula sa kanila—at tiyak din akong  mayroong silang ‘alagang’ kolumnista, reporter at broadcaster kaya hindi sila inuupakan sa media.

Ang mga alyas na nabanggit ko ay magandang-maganda na ang buhay dahil sa laki ng kita sa smuggling.

Pero, hindi sila umaalis sa BOC dahil nariyan ang kanilang kabuhayan.

Ayon kay RJ Javellana, pangulo ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC), P200 Bilyon taun-taon ang perang hindi  napupunta sa pamahalaan, kundi sa mga smuggler at mga binabayaran nilang opisyal ng BOC na may kasabwat na mga opisyal sa Department of Finance (DOF).

Ayaw pangalanan ni RJ ang mga smuggler at mga korap na mga opisyal ng DOF at BOC.

Sa pag-aaral na isinagawa ng Federation of Philippine Industries (FPI), umabot sa P1.33 Trilyon ang nasayang na kita ng BOC mula 2002 hanggang 2011 (9 taon lahat).

Ang nasabing pera ay napasakamay ng mga smuggler at mga korap na opisyal at kawani ng BOC.

Ang mga hinayupak na mga smuggler at mga korap na opisyal ng pamahalan ay ubod  nang kakapal ng mukha at matitibay ang sikmura, sapagkat kaya nilang mabuhay at buhayin sa karangyaan at kasaganaan ang kanilang pamilya mula sa perang galing sa pagnanakaw at pangungulimbat sa pamahalaan.

Ang BOC ay isa sa tatlong tinukoy niyang pinakakorap na mga ahensiya ng pamahalaan.

Ang dalawa ay ang Land Transportation Office (LTO) at Land Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Nicanor Faeldon bilang BOC commissioner dahil bilib siya sa dating opisyal ng Marines.

Si Faeldon ay galit sa iligalidad sa pamahalaan.

Tutol siya sa kabulastugan ng mga opisyal at kawani ng gobyerno, kaya nga binangga niya ang administrasyong Arroyo noong aktibong sundalo pa lamang siya.

Ngunit, sa nakikita ko ay hindi magtatagumpay si Faeldon kahit na naglagay siya ng modernong CCTV.

Ang kayang gawin ng CCTV ay tutukan ang mga kawani, ang mga ordinaryong empleyado na wala sa isang milyon ang nakukuhang pera kada buwan mula sa iligal na transaksiyon.

Hindi kayang makita at masukol ng CCTV ang mga kriminal sa BOC.

Hindi mahuhuli at matutumbok ng CCTV ang kasamaan nina “Big Mama”, “Kim Gumba”,

“JRT”, “Tolentino” , “Moso” , “Dave T” , “Azucar” , “Jeric Yap”,  “Bocalin” , “JT/Eves” , “Ma’am T” , at “Mr. T.”

Isa sa pangunahing mandato ng BOC ay supilin at wakasan ang smuggling.

Ang isa pa ay epesiyentong koleksiyon ng buwis.

Ang dalawa ay magkaugnay.

Kung mananatiling talamak ang smuggling, tiyak mananatiling kapos ang makokolektang buwis ng BOC sa target nito para sa taong kasalukuyan,

Maganda ang pakay ni Nic Faeldon sa BOC.

Seryoso at tapat siyang matanggal ang mga musggler at korap sa BOC, ngunit magiging walang saysay ang kanyang pananatiling hepe ng BOC kung wala siyang masusukol at maipakukulong na smugglers at korap na opisyal ng BOC.

Dapat simulan ni Faeldon sa mga nabangggit kong pangalan ng mga smuggler.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like