BF, May Kasong Korapsyon

Ni: Joel O. Amongo

NAGBALIK serbisyo-publiko muli si Bayani Fernando bilang isa sa dalawang kinatawan ng Lungsod ng Marikina sa Kamara del Representantes.

Sinuwerte man si Fernando dahil nanalong kongresista, pero minalas naman dahil hindi pa man siya nagsisimula sa pagtatrabaho sa Kamara ay pinakakasuhan na siya ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan.

Ang kaso ni Fernando ay may kinalaman sa pagiging chairman pa niya noon ng Metro Manila Development Authority (MMDA).

Naging hepe ng MMDA si Fernando mula noong 2002 hanggang 2009.

Ayon sa desisyon ng Office of the Ombudsman, linabag ni Fernando ang Republic Act 3019, o Anti-Graft and Corruption Practices Law.

Kasamang inasunto ng Ombudsman sina dating MMDA officials Edenison Fainsan, Leonila Querijero, Rolando Josef, Cleofe Ablog, at Robert Nacianceno.

 

 

Ang kaso nina Fernando ay base sa special audit ng Commission and Audit (COA) na nagsasabing maraming Notices of Disallowance ang kanilang inisyu kaugnay sa paggastos (disbursements) mula 2003 hanggang 2009 na umabot ng P1.6M bilang birthday cash gift kay Fernando, P11 milyon naman ang ginastos sa cultural projects, at P10.8 milyon cash incentives na ipinagkaloob sa chairman at sa mga miyembro ng executive committee.

Ayon pa sa COA nagkaroon ng iregularidad sa Metro Manila Film Fest (MMFF) pondo na walang mga kaukulang mga resibo na batayan sa paggastos ng milyun-milyong halaga mula sa pondo ng gobyerno.

Ang paglabas ng malaking pera ay pinadaan umano sa pangalan ni Ablog sa  pamamaraang pay-to-cash.

Idiniin ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales, “the respondents’ conspiratorial act of authorizing and approving the irregular payments and expenditures depleted the funds of the MMFF thereby causing in undue injury.”

You May Also Like