Bayang sumisinta kay Maria, June 8

The DreamerAndito kami ngayon ng misis ko sa Baguio para sa aming personal retreat para malaman namin through discernment kung ano ba ang gusto ng Diyos na gawin namin sa mga darating na araw.

Ang pakiramdam ko kasi, hindi ako dinala ng Diyos sa larangan ng media at public relations para sa pansariling interes. Naniniwala ako na kaya ako tinulungan ng Diyos na makilala ang mga editors, reporters at kolumnista ay para gamitin ito balang araw para sa gawaing simbahan o gawaing Diyos.

At dumating nga ang panahon na tila pinaramdam na Niya sa akin kung ano ang aking assignment o dapat gampanan para sa Kanya. Ito ay noong makilala ko sina Fr. Francis Lucas na presidente ng Catholic Media Network; si Jeffrey Cal ng Maximedia na dating sikat na production outfit; si Ms. Allen na isang producer at event organizer; at si Bishop Guillermo Afable ng Digos, Davao.

Ang meeting ay para sa National Consecration ng Pilipinas sa Immaculate Heart of Mary na gaganapin sa June 8, 2013, Sabado, sa ganap na alas diyes ng umaga. Sa araw na iyon ay iko-consecrate ng lahat ng obispo at mga kaparian ang kani-kanilang diyosesis at parokya sa proteksyon ng Mahal na Ina.

Ito ay ginawa na noong 1984 ng ating mga obispo kasama si Pope John Paul II nung bumisita siya rito. Maraming naniniwala na ang pag anunsyo ni dating Presidente Ferdinand Marcos ng 1985 snap elections ay isang divine intervention na bunga nitong national consecration. Alam naman nating lahat ang mga sumunod na kaganapan sa EDSA noong 1986 kung saan naging presidente si Corazon Aquino.

Ang National Consecration ay isang sagradong kaganapan na ginagawa ng Simbahan sa oras ng peligro o panahon na mas kailangan nilang tumawag sa Diyos para sa tulong.

Sa panahon ngayon, ang National Consecration na gaganapin sa June 8 ay isang paghahanda sa darating na International Eucharistic Congress na gaganapin sa Cebu sa 2016.

Suportahan po natin at paghandaan ang konsekrasyon na ito sa June 8.

You May Also Like