Batas Hinggil sa Tunay na Repormang Agraryo, Inihain sa Kamara

Ng: Tapat News Team (TMT)

DALAWANG taon na ang nakalilipas nang matapos ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng pamahalaan kung saan nagsimula pa ang pagpapatupad nito noong 1987, ang nanay ni dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino 3rd, ang Pangulo ng bansa sa nasabing taon.

Tingin ng maraming magsasaka at  mahihirap, “palpak” at “huwad” ang CARP, kaya hindi na nila ito hahangaring buhayin pa kahit tinatayang 50,000 magsasaka pa ang inaasahang dapat magkaroon ng lupang sasakahin sa ilalim ng CARP.

Sa halip, si Anakpawis party-list Representative Ariel Casilao ay naghain ng House Bill No. 555 na ang layunin ay magkaroon ng “genuine land reform program to address the four-decade old problem in the country.”

Idiniin ni Casilao na ang HB  555, o “Genuine Agrarian Reform Bill (GARB)” ay “holistic approach” ang isasagawa upang matapos na ang napakatandang suliranin ng mga magsasaka at pesante sa bansa.

Ang magsasaka ay ang mga taong nag-aararo sa bukid, samantalang ang pensate ay ang mga taong tumutulong sa asyenda na pinasasahod ng mga panginoong-maylupa, o ng mayamang magsasaka batay sa trabahong ipinapagawa sa kanila.

Ang pesante ay kaparis ng manggagawang kontraktuwal.

 

 

Sa madaling salita, ang trabaho ng pesante ay depende sa kontrata, o pag-uusap ng kanilang amo.

“Ang pangunahing layunin ng GARB ay ipamahagi ang mga lupang pang-agrikultura sa mga magsasaka nang walang babayaran ang mga makikinabang,” paliwanag ni Casilao.

Aniya, sosolusyunan din ng GARB ang mga samut-saring suliranin na nakakapit sa agrikultura upang matapos na rin ang patayan ng mga rebelde at pamahalaan kung saan nabigo ang CARP.

Ayon kay Casilao, “hanggang ngayon ay patuloy na umiiral ang monopolyo at kontrol sa lupa ng iilang pamilya ng mga panginoong-maylupa.”

Hindi tinukoy ng mambabatas kung sinu-sino ang mga pamilya ng panginoong-maylupa.

Idiin pa ni Casilao na kailangang may ibang batas hinggil sa repormang agraryo ang ipasa ng ika-15 na Kongreso upang huwag nang maulit ang ipinagawa ng CARP sa pamahalaan na huwag buwagin ang monopolyo at kontrol sa lupa ng iilang panginoong-maylupa sa iba’t ibang panig ng bansa.

Inaasahang ‘susuot sa butas ng karayom’ ang HB 555 kung ang layunin nito ay taliwas sa interes at buhay ng mga asindero dahil napakalaki ng bilang ng mga mambabatas na kabilang sa Kongreso, lalo na sa Kamara del Repesentantes ang mismong panginoong-maylupa, o sugo nila sa lehislatura.

You May Also Like