Batang dinakip at pinaglimos, natagpuan!

good news

Dahil sa pagmamalasakit – at sa basketbol – nakitang muli ang batang nawawala matapos ang 20 araw.

Ngiti at basketbol lang ‘yon, pero naging susi ang dalawang ito sa pagkakatagpo kay Jerome Julaton, isang batang dinakip ng mga pinaghihinalaang miyembro ng sindikato.

Ika-20 araw nang nawawala si Jerome, 15 taong gulang, at patuloy pa rin ang kanyang ama na si Jerry sa paghahanap sa kanya. Lumabas ang bata sa kanilang bahay noong Enero 22 ng walang nakaaalam, sabi ng ama. Malaki ang pangamba ni Jerry dahil sa kondisyon ng anak niya—dahil may Down Syndrome ito at limitado ang abilidad na makipag-usap at magpasya ng wasto, maaaring pagsamantalahan ng mga taong may di mabuting pakay.

Dahil nag-paskil ng mga poster si Jerry na may larawan at iba pang impormasyon tungkol sa kanyang anak matapos itong mawala, marami-rami rin ang nakaalam sa pagkawala ni Jerome. Isa dito ang kapitbahay ng pamilya na si Wilfredo Mijares.
Isang araw ay naglalakad si Mijares sa Katipunan Ave. sa Quezon City upang sunduin ang asawa mula sa opisina nito. Nang umabot siya sa itaas ng hagdanan ng tulay sa kanto ng Katipunan at Aurora Blvd., napatingin ito sa isa sa mga nakaupong namamalimos. Ang lalaking gusgusin ay nakayuko, ang isang kamay nakataas upang tumanggap ng mga baryang maaaring ilagay sa kanyang palad ng mga dumadaan.

Natigilan si Mijares at tinitigan ang lalaki.
Gusgusin at iba na ang anyo
“May kutob ako eh, parang kamukha [ni Jerome], sabi ko sa sarili ko, pero nakatungo siya,” ani 43-taon na kapitbahay.
Mahirap malaman kung siya talaga ang batang nawawala dahil ito’y gusgusin at mahaba na rin ang buhok –hangga’t ito’y lumingon pataas at tiningnan si Mijares.

Tinitigan pa ng kapitbahay ang lalaki ng ilang sandali para manigurado, at tinawag nito ang pangalang “Jerome.” Nagpakita ng pagkakilala ang namamalimos, sa gulat ng kapitbahay.

“Tapos nag-acting ako na parang nagba-basketbol,” dagdag niya, at pinakita ang tila pag-di-dribble ng bola. Madalas maglaro si Jerome sa labas ng kanilang bahay gamit ang basketbol at enjoy na enjoy ito, kwento ni Mijares.

Lalong ngumiti ang lalaki nang makita ang pag-dribble ni Mijares, kaya’t nabuhayan ng loob ang kapitbahay at tuloy-tuloy ang pag-usap sa 15-anyos na biktima.

“Kain tayo mamaya ha!” dagdag pa niyang sinabi kay Jerome, at natuwa ang bata at tumango lang. Dahil hindi makapagsalita ng maayos ang lalaki, tumango at umungol na lang ito upang ipakita ang tuwa.

“Nag-apir pa kami at nagtawanan, tinitingnan na nga kami ng mga ibang tao eh. Pero gusto kong matuwa siya at hindi siya tumigil at mag-isip [tungkol sa sinapit niya],” dagdag ni Mijares.
Nakiusap sa kapwa-manlilimos
Sa kasawiang palad, ubos na ang load ng kanyang mobile phone kaya’t minabuti niyang maghanap ng telepono para tawagan ang ama ni Jerome tungkol sa pagkakatagpo.

Nakiusap si Mijares sa kapwa manlilimos ni Jerome na bantayan ang lalaki habang siya’y naghanap ng telepono: “Pakitingnan lang muna siya ha, kawawa naman ang mga magulang niya. Kailangang tawagan ko…”

Matapos kausapin sa telepono ang ilang tao para siguruhing hindi pa rin natatagpuan si Jerome ng kanyang pamilya, para ipagbigay-alam sa barangay ang nakita sa tulay, at para sabihin sa ama ng bata kung nasaan sila, bumalik si Mijares sa kinalalagyan ng biktima at naghintay ng mahigit na isa’t kalahating oras hanggang dumating ang mga tinawagan.

“Nakakatuwa kung nakita mo sila. Si Jerry mugto ang mata… siyempre tatay siya nung batang mga 20 days nang nawawala. Yung bata naman, nung nakita ang tatay niya, napayuko ulit, tapos pagtingin ulit sa tatay niya, iba na. Maaliwalas ang mukha,” ani Mijares, na siya ring maluha-luha sa nakita niyang tagpuan ng mag-ama. “Doon ako sa anak naiyak dahil kahit di siya nagsasalita, kahit may kapansanan siya, makikita mo sa mata niya ang tuwa niya.”
‘Give and take lang’
Agad na iniuwi na ng ama at ng barangay kagawad ang bata. Walang tigil ang pagpapasalamat nila kay Mijares sa kanyang matiyagang pagbantay kay Jerome at sa pagtawag sa kanila. Pero bale-wala naman sa lalaki.

“Kung ikaw talaga ang makakakita… kung ako ay makakatulong, gagawin ko. Give and take lang naman ‘yan,” sabi niya.
“Baka pinagkaloob ng Diyos na mahanap ko siya,” dagdag pa nito.

Ginunita niya ang muling pagkilatis kay Jerome nang unang nakita ang lalaki.

“Tiningnan ko talaga siya ng mabuti, mga two minutes. May kutob talaga ako pero ibang iba ang itsura niya. Pero parang nagsisimula pa lang maging madumi yung mga braso niya—parang hindi siya bagay dun sa kinalalagyan niya. Eh si Jerome, alaga siya ng tatay niya, malinis at palaging magka-terno ang suot,” paliwanag ni Mijares.

Bumalik na ulit sa paglalaro ng bola si Jerome, pero mas binabantayan na ng pamilya. Balik na ulit sa pag-ngiti-ngiti ang bata sa kabila ng dinanas niya sa loob ng 20 araw. Walang magawa ang pamilya niya kundi hulaan na lang ang sinapit nito ng mga araw na ‘yon, pero ang alam nila, ngiti at basketbol ang nagging susi sa pagkakatagpo sa kanya.

You May Also Like