‘Bata’ ni Erap, Walang Silbi

WALA PANG RESULTA: Hanggang ngayon ay wala pang resulta ang atas ni Mayor Joseph "Erap" Estrada kay Che Borromeo, hepe ng Task Force Clean-Up Manila, na tukuyin ang mga protektor ng iligal na bendor at iligal na terminal ng mga pampublikong sasakyan sa Lungsod ng Maynila. (Jay-Ar Ortonero)
WALA PANG RESULTA: Hanggang ngayon ay wala pang resulta ang atas ni Mayor Joseph “Erap” Estrada kay Che Borromeo, hepe ng Task Force Clean-Up Manila, na tukuyin ang mga protektor ng iligal na bendor at iligal na terminal ng mga pampublikong sasakyan sa Lungsod ng Maynila. (Jay-Ar Ortonero)

Ni: Belle Orlina

WALANG nangyari sa atas ni Mayor Joseph “Erap” Estrada na ‘tukuyin’ ang mga protektor ng iligal na bendor at iligal na terminal sa Maynila.

Nabatid ng Tapat News online na hanggang ngayon ay hindi pa natutukoy ni Che Borromeo, hepe ng Task Force Cleanup-Manila, kung sinu-sino ang mga protektor ng iligal na mga bendor at iligal na terminal ng mga pampublikong sasakyan sa lungsod.

Matatandaan na nitong Hulyo 12, inatasan ni Estrada si Borromeo na alamin ang protektor ng iligal na bendor at iligal na terminal, bukod sa paglilinis sa iba’t ibang bahagi ng Maynila mula sa mga naglipang iligal na bendor at iligal na mga terminal ng pampublikong sasakyan.

Idiniin ni Estrada na walang saysay ang pagsasagawa ng clearing operations, kung hindi matitigil ang pagprotekta sa mga bendor at terminal.

Kumbinsido si Estrada na mayroong kumikita ng malaki, kaya namamayagpag ang talamak na bendor at iligal na terminal ng mga pampublikong sasakyan sa lunsod.

Hindi nagbigay ng “clue” si Estrada kung sinu-sino ang mga pulis at opisyal sa pamahalaang lokal ng Maynila ang protektor na binabanggit.

Nabatid ng Tapat News online na ang mga bendor sa Divisoria, Quiapo, Avenida, Recto, at Pedro Gil ay pawang protektado ng ilang pulis at ilang opisyal sa administrasyon ni Estrada.

Nabatid ding hindi biro ang laki ng halagang tinatabo nila mula sa mga bendor at iligal na mga terminal.

 

 

You May Also Like