Bata, bata..paano ka na?

vol 2 no 1

Ang katatapos lamang na piyesta ng Sto. Niño. Ang ulat na ang Pilipinas ay isa sa top producer ng internet child pornography sa buong mundo. At ang pinakahuli, ang 7th Asia Pacific Conference on Reproductive and Sexual Health and Rights.

May kaugnayan ang tatlong paksang ito. Nandiyan ang isang pagdiriwang na malalim na ang ugat sa kultura, pag-iisip at kaugalian ng mga Pilipino. Libo-libo ang nakikisayaw at sumasabay sa saliw ng tambol at tugtog, dala-dala ang kani-kanilang mga imahen ng Sto. Niño. Ang nakalilimutan ng marami, hindi lamang debosyon sa batang Hesus ang nais itaguyod ng nasabing piyesta kung hindi kababaang-loob, pagtalima sa Diyos, at ang kahalagahan ng bawat bata at sanggol bilang natatanging likha ng Maykapal.

May kabalintunaan na ilang araw bago idaos ang mga piyestang naka-sentro sa batang Hesus tulad ng Sinulog sa Cebu, Ati-Atihan sa Aklan, Dinagyang ng Ilo-ilo at iba pa, pumutok ang ulat na ang Pilipinas ang isa sa top producer ng child porn sa internet. Ayon sa impormasyong nakalap ng Philippine National Police (PNP), sa halagang $100 kada oras, makapapanood ang kahit sino ng mga batang gumagawa ng iba’t ibang sex acts. Nagkakahalaga naman ng P1,000 ang mga video at photo ng nasabing mga session. Ang isa pang kagimbal-gimbal na paghahayag ay ang mga magulang mismo ng mga bata ang siyang pumapain sa sariling mga anak sa mga “kliyenteng” karamihan ay galing U.S. at Europa.

Matapos ang mararamdamang ngitngit at pagkadismaya sa balitang ito, unang tanong sa isipan ay, “Mayroon ba talagang magulang na ganoon ka-halang ang bituka?” Malamang ang sagot ay hindi. Ang mayroon ay mga magulang na hindi alam ang puno’t dulo ng mga salot sa lipunan tulad ng child pornography at ang epekto nito sa mga musmos na bata. Dito papasok ang usapin ng kahirapan na tumutulak sa maraming Pilipino na kumapit sa patalim at ibugaw ang sariling dugo’t laman. Sa isang panayam, ani Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, “Poverty is the reason, it is because of poverty amongst our people that pushes them to cyber pornography and it should be addressed sincerely.”

Pasok naman ang ikatlo at huling isyu ng tinaguriang “reproductive health” rights. Ngayong linggo nakatakdang ganapin ang 7th Asia Pacific Conference on Reproductive and Sexual Health and Rights sa Manila upang patuloy na isulong ang kaisipan na mahalaga sa pag-unlad ng Pilipinas ang access sa condoms, pills at higit sa lahat, aborsyon. Isang session sa nasabing pagpupulong ay ang tungkol sa mga pangangailangan ng mga kababaihang naghahanap ng “safe abortion services.” Ano ang pabulong na sinasabi ng ganitong paniniwala? Na ang mga bata ay sagabal at maaaring gawing opsyon. Maaaring piliin, maaaring itapon…Isa ding usapin ang budget ng RH Law na kasalukuyang nakabinbin sa Korte Suprema. Kung gamitin na lamang ang tinatayang P14 bilyong piso na panukalang budget ng Department of Health para sa RH services sa totoong pangangailangan ng bayan, magiging ‘top producer of cyber child porn’ pa kaya ang Pilipinas?

Ang Pinoy ay sadyang mapagmahal sa pamilya; naka-sentro sa tahanan ang puso at isipan niya. Ngunit sa panahon ng taghirap, sino ang makapagsasabi kung ano ang magagawa ng isang taong gutom? Hanggang kailan ibabaling ng pamahaalan ang tingin nito mula sa tunay na isyu ng kahirapan? Tulad ng itinuturo ng mga isyu tulad ng PDAF at FOI, korapsyon ang ugat ng kahirapan. Dumating na tayo sa pinakamapanganib na bangin dahil sinisimula na nating ipain ang sariling mga supling.

You May Also Like