Bantang pagsasarado sa kongreso ni Duterte, nakababahala ayon sa dating political prisoner

Nakababahala kung sasailalim muli sa batas militar ang bansa, pahayag ni Ninotchka Rosca, isang political prisoner sa panahon ng diktaduryang Marcos, sa isang online na panayam ngayong araw.

Ayon sa kanya, madali para sa mga taong hindi namuhunan ng buhay upang magkaroon ng kongreso ang bansa ang magbantang ipasarado ito.

“Batay sa pinagdaanan na nating martial law, kahit sino pa ang magdeklara nito ay nakababahala,” aniya. “Hindi lang nakababahala kundi dapat tanggihan, tutulan at iwaksi.”

Ayon kay Rosca, isang premyadong manunulat na nakabase sa Estados Unidos, hanggang ngayon pinagbabayaran pa rin ng mamamayang Pilipino ang yaman ng bansa na “hinigop noong panahon ng diktadura.”

“Hanggang ngayon, pinagluluksa pa rin ng mga nawalan ang mga pinatay,” dagdag pa n’ya. “Hanggang ngayon, dala pa rin ng mga na-torture ang pinsala sa kanilang katawan.”

Ayon kay Dr. Bayani Santos, dating desk editor sa Philippine Daily Inquirer, sinupil ng diktadura ang mga karapatang pantao ng mga Pilipino.

Sa isang iglap kinulong ang mga taga oposisyon at mga pinaghihinalaang makakaliwa, dagdag pa n’ya. Pinasara ang mga pahayagan, radyo, at telebisyon.

Nagbantang ipapasarado ni PDP-Laban standard-bearer Rodrigo Duterte ang kongreso sa Bataan kahapon sakaling s’ya ay maging pangulo at sampahan ng impeachment case.

Pumutok ang isyung ito nang isiniwalat ni independent vice presidential bet Sen. Antonio Trillanes, ang P2.4 billion halaga ng mga transaksyon ni Duterte sa banko.

Sa pahayag ni Trillanes sa midya, gagamitin n’ya umano ang mga ebidens’ya na galing sa banko upang panagutin si Duterte sa pagtago ng yaman sa pamamagitan ng impeachment sakaling maging pangulo ito.

Samantala, inanunsyo ni Duterte sa huling presidential debate sa Pangasinan noong Abril 24 na hindi s’ya magdideklara ng martial law dahil wala naman umano rebelyon sa panahong ito. (Tapat News)

 

photo:  screengrab from youtube

 

 

 

 

 

 

 

 

 

You May Also Like